IRR para sa mabilis na pagproseso ng permit ng telco at internet infra, inilabas na

IRR para sa mabilis na pagproseso ng permit ng telco at internet infra, inilabas na

NAGLABAS ng Joint Memorandum Circular ang pamahalaan na nagtatakda ng mga alituntunin at regulasyon ng Executive Order (EO) No. 32, o kilala bilang ‘streamlining the permitting process for the construction of telecommunications and internet infrastructure’.

Isang technical working group na binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang naglabas ng naturang circular.

Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) na ito ay ipinahayag at inilabas bilang Joint Memorandum Circular No. 2023-01.

Nilalayon nitong gabayan ang lahat ng kinauukulang departamento, opisina, ahensiya, at stakeholder, sa pagpapatupad ng EO No. 32.

Inisyu ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang EO No. 32 noong Hulyo 4, 2023 upang ma-institutionalize ang isang set ng streamlined guidelines para sa pag-iisyu ng mga permit, lisensiya, at mga sertipiko para sa pagtatayo ng mga telekomunikasyon at imprastraktura sa internet, kabilang ang mga nauugnay sa pag-install, pagkukumpuni, pagpapatakbo, at pagpapanatili ng mga naturang imprastraktura.

Ipinag-utos din ng EO ang paglikha ng isang technical working group (TWG) na binubuo ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Anti-red Tape Authority (ARTA), National Telecommunications Commission (NTC), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na bumalangkas ng mga kinakailangang tuntunin at regulasyon sa loob ng 60 araw.

Sa ilalim ng IRR, ang unified application form ay i-a-adopt, kung saan, ang preformatted form building permit application ay dapat italaga sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa.

Ang mga nag-a-apply para sa isang building permit ay kinakailangang magsumite ng property documents, technical documents, height clearance permit, at homeowners association (HOA) clearance, kasama ang unified application form.

Para makakuha ng certificate of use at business o mayor’s permit, dapat isumite ng mga aplikante ang sumusunod, bukod sa iba pa:  certificate of completion, construction logbook, photocopy ng valid licenses, litrato ng structure, yellow card/clearance mula sa electrical service provider, at kopya ng as-built plan na sumasalamin sa mga pagbabago at modifications.

Itinakda rin ng IRR ang mga kinakailangan para sa pagtatayo ng mga poste at pagtatayo ng mga underground fiber duct, layout ng cable sa mga kasalukuyang poste at iba pang pisikal na imprastraktura, gayundin ang pagpapatakbo, pagkukumpuni at pagpapanatili ng Passive Telecommunications Tower Infrastructure (PTIIS), kabilang ang distribution utility facilities.

Ipinag-uutos din nito sa lahat ng mga lungsod na mag-set up ng one-stop shop para sa construction permits.

Ipinagbabawal naman ng IRR ang mga anti-competitive activities at inaatasan ang mga ahensiya at local government unit (LGU) na ipatupad ang zero-backlog policy sa lahat ng aplikasyon para sa mga permit at clearance na sakop sa ilalim ng kautusan.

Follow SMNI NEWS on Twitter