NAGING mystery reader si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa launching ng National Reading Month ng Kapitan Tomas Monteverde Sr. CES.
Matagal na aniyang gustong magsulat ng libro si VP Duterte noon pa na siya ay nag-aaral ng law, ngunit ngayon lang dumating ang napusuan na isulat.
“Matapos kong basahin ang buong kwento sa mga kindergarten na mag-aaral ng paaralan ay pinirmahan at aking nai-donate ang pinaka unang kopya ng libro sa paaralan para mas marami pang mga mag-aaral ang maaring magbasa nito,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa sa mensahe nito na patuloy na hikayatin ang mga kabataan na magbasa ng mga aklat at pasiglahin ang kanilang pagmamahal sa pag-aaral.
“Nawa’y patuloy nating hikayatin ang ating mga kabataan na magbasa ng mga aklat, lumundag sa mga pahina nito, at pasiglahin ang kanilang pagmamahal sa pag-aaral,” saad ng Pangalawang Pangulo.
Para kay VP Sara, ang naturang libro ang kaniyang maagang Christmas gift para sa mga batang Filipino.
“Ito na ang aking maagang Christmas gift para sa mga batang Filipino – ang una kong libro na may pamagat na, Isang Kaibigan. Gagawin ko ang iba pang mga kopya para sa donation sa mga library at paaralan,” aniya.