Isang rice importer, blacklisted na dahil sa pananamantala—DA

Isang rice importer, blacklisted na dahil sa pananamantala—DA

NAGBABALA ngayon ang Department of Agriculture (DA) laban sa mga importer na nananamantala sa mga produktong agrikultural.

Isang rice importer kasi ang nasampolan ng ahensiya matapos mabisto sa mga ilegal nitong aktibidad sa pagpasok ng mga inangkat na produkto.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. hindi idinedeklara nang tama ng naturang importer ang dami ng mga produkto.

Para makalusot umano ang mga ito ay idinedeklarang ‘processed foods’ ang inaangkat na produkto pero ang totoo – agri-products ang laman ng shipment.

“Iyong mga smuggler, kahit kaibigan ko, iba-blacklist ko. Because alam ko iyong ginagawa nila and we are just getting proof. Kasi that’s economic sabotage. Iyong mga smugglers are destroying industry by undercutting everybody because of the illegal acts,” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. Department of Agriculture (DA).

4 pang rice importers, nakatakdang isama sa listahan ng blacklisted ng DA

Bukod diyan, apat pang importer ng bigas, isda, at asukal ang nakatakdang isama sa listahan ng blacklisted pero hindi pa ito pinangalanan ng kalihim sa ngayon.

Wala aniyang sasantuhin ang kalihim kahit mga kaibigan pa nito ang mga importer.

Sa katunayan, sinubukan pa nga siyang suhulan ng isang importer para lang makalusot ang mga smuggled good na inangkat nito.

“Nahuli namin na iyong container dinala doon sa condemnation facility, ililipat sa ibang truck para ibenta. Nahuli namin, sinunog namin lahat. Sinuhulan ako initially ng P250,000 per container (20 containers), tapos umakyat ng P1 million per container,” wika ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

Dahil dito, nakatakdang bumuo ng memorandum of understanding ang DA at Bureau of Customs para i-deputize ang mga kawani ng DA Inspectorate and Enforcement team at makapag-inspeksiyon sa mga imported shipment.

Ito ay para mapaigting at masawata aniya ang talamak na smuggling sa bansa.

BFAR: Babagsak ang kita ng mga mangingisda dahil sa mga puslit na isda sa merkado

Para kasi sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), malaking epekto sa lokal na mga mangingisda kung babaha ng smuggled isda sa merkado.

Babagsak kasi ang presyo ng lokal na isda dahil sa mas murang smuggled.

“’Yung concern din ng food safety kapag hindi dumadaan sa necessary regulatory requirements itong mga napupunta sa palengke aside from na puwedeng maapektuhan ang presyo ay nalalagay rin sa alanganin sa palad ng alanganin ang kaligtasan ng publiko,” ayon kay Nazario Briguera, Spokesperson, BFAR.

Sa panig naman ng mga pribadong rice importer, bukas sila sa hakbang na ito ng DA.

Pero, panawagan lamang nila,

“Siguro kailangan lang ng tamang proseso at tsaka tama ‘yung mga document and all para makita talaga kung sino talaga ito,” ayon kay Rowena Sadicon, Lead Convenor, Philippine Rice Industry.

Inaasahan namang magiging operational na sa susunod na taon ang Cold Storage Examine Facility on Agriculture (CEFA) sa Angat, Bulacan.

Malaking tulong ito para masiguro na walang makakalusot na smuggled products sa bansa.

Nakatakda ring maglagay pa ng CEFA sa Subic, Maynila, at Gensan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble