IPINANUKALA ng isang mambabatas ang isang taong mandatory medical service para sa mga bagong Pilipinong doctor o nurse na magtrabaho para sa bansa bago pa man ito maghanap ng ibang trabaho sa abroad.
Sinabi ni Malasakit at Bayanihan Party-list Rep. Anthony Rolando Golez, Jr. na ang House Bill No. 6232 o ang Mandatory Medical Service Bill ay layong masolusyunan ang kakulangan ng mga healthcare workers sa Pilipinas.
Nauna na ring sinabi ng Department of Health (DOH) na tinitignan nito ang “incentive program” mula sa ibang bansa upang matulungan ang local health sector na masolusyunan ang kakulangan ng mga nurse at doctor.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, mas mababa pa sa kalahati ng mga Filipino nurse ang nananatili at nagtratrabaho sa Pilipinas.
Sinabi naman ng Philippine Nurses Association na ang mga nurse sa mga private hospital ay binabayaran ng nasa P9,000 at P15,000 samantalang ang entry level nurses naman sa mga pampublikong ospital ay may buwanang sahod na 33,000 pesos.