MAGPO-produce ng mahigit 200 Pilipinong engineers ang isang unibersidad sa Taiwan sa susunod na mga taon.
Ito ang inihayag ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chair Silvestre Bello III.
Ayon kay Bello, nasa 73 Pilipino na ang nagtapos noong Pebrero ng Bachelor of Science in Industrial Engineer (BSIE) Major in Management sa Minghsin University of Science and Technology sa Hsinchu, Taiwan.
Nasa 53 engineering students naman ang second batch na nagtapos noong nakaraang linggo.
Bahagi ito ng work-study program ng Taiwan sa ilalim ng Academe-Industry Collaboration program nito kung saan mabibigyan ng apat na taong baccalaureate degree ang mga estudyante.
Umabot naman sa 201 na mga estudyante sa buong bansa ang kasama sa listahan mula nang magsimula ang programa noong 2019.
Labis naman ang pasasalamat ni Bello sa management ng Minghsin University sa kanilang dedikasyon at pagsisikap para sa pag-aaral ng mga estudyanteng Pilipino.