MAKATUTULONG ang isinusulong na solar irrigation project para mapataas ang produksiyon at kita ng mga magsasaka ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ibinahagi nina Mang Armado at Mang Francisco na parehong magsasaka mula Pampanga ang hamon na kinakaharap nila sa pagsasaka lalo na sa panahon ng El Niño.
Anila, pahirapan para sa kanilang pangkabuhayan ang suliranin sa patubig, bukod pa ito sa mga hanip na naninira sa mga palay at kakulangan sa pataba.
Kaugnay rito, nagbigay ng katiyakan ang pamahalaan na tutugunan nito ang mga pangangailangan ng mga magsasaka.
Kabilang sa hakbang ng gobyerno ngayong taon, ang planong palalawakin ang patubig para sa mga sakahan.
Isinulong ng administrasyong Marcos ang pagpapatupad ng solar irrigation project para sa dagdag patubig na magagamit ng mga magsasaka.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng solar irrigation project, mapapataas ang produksiyon at kita ng mga magsasaka.
“Basta’t bigas ang pinag-uusapan, basta’t palay ang pinag-uusapan, ang patubig ang talagang pampaganda para lahat ng lugar na three croppings na. Kaya, tinitignan po namin ‘yung mga sistema na ginagawa at palagay ko susubukan natin ‘yung solar-powered irrigation,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa isang unit ng solar power irrigation, kaya aniya nitong makapag-patubig ng 20 ektarya ng lupain.
Sambit ni Pangulong Marcos, binabalak ng pamahalaan na magpakalat ng libu-libong yunit nito sa iba’t ibang bahagi ng sakahan sa bansa.
Kasabay rito ang pagtalakay kung paano mapopondohan ang proyekto.
Samantala, siniguro din ng pamahalaan na handa ito sa pagtugon sa banta ng El Niño phenomenon.
“Hindi tayo natatakot, sa halip buong loob at lakas at sama-sama nating haharapin ang El Niño. Noong kami ay papunta rito, napapag-usapan namin ni Secretary Laurel ang lahat ng…paano ‘yung mga bagong sistema,” dagdag ni Marcos.
Nitong weekend, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ceremonial palay harvesting sa Brgy. Mandili, Candaba, Pampanga.
Kasama sa dumalo sina Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. at Asec. Arnel de Mesa kasama ang ilang lokal na opisyal.
Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong tulad ng hauling trucks, binhi, at tulong pinansiyal sa libu-libong magsasaka at sampung farmers’ cooperatives at associations sa nasabing lugar.