Israel, nagpaulan ng missile sa Iran; Supreme leader ng Tehran, nangakong gaganti

Israel, nagpaulan ng missile sa Iran; Supreme leader ng Tehran, nangakong gaganti

MADALING araw sa Tehran nang magising ang buong lungsod sa sunud-sunod na pagsabog matapos paulanan ng Israeli Air Force ng mga missile ang kapitolyo.

Ayon sa state media ng Iran, nangyari ang magkakasunod na putok sa iba’t-ibang bahagi ng kabisera, na kalaunan ay kinumpirma ng isang preemptive air strike ng Israel Defense Forces o IDF.

Tinarget ng opensiba ang ilang pasilidad na pinaghihinalaang konektado sa nuclear program ng Iran, kabilang na ang kilalang uranium enrichment facility sa Natanz.

Samantala kinumpirma ng Iran na kabilang sa mga nasawi si Major General Hossein Salami, commander ng elite Islamic Revolutionary Guard Corps, at si Deputy Chief of Staff Ghlolam Ali Rashid.

Dalawang kilalang Iranian nuclear scientists rin ang patay sa preemptive strike ng Israel.

Ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, layunin ng operasyon ang pigilan ang Iran sa pagbuo ng nuclear weapons.

Samantala, hugas kamay naman ang Estados Unidos sa insidente.

Itinanggi ni U.S. Secretary of State Marco Rubio ang anumang pakikilahok ng Amerika sa nasabing operasyon.

Giit ni Rubio, walang silang kinalaman sa mga isinagawang opensiba.

Nangyari ang atake ilang araw bago ang nakatakdang ikalimang round ng nuclear talks sa pagitan ng Amerika at Iran na gaganapin sa Oman.

Kamakailan lang ay pinuna US President Donald Trump ang Iran dahil masyadong mabagal ang usad ng negosasyon.

Sa kabila ng nangyari, hindi nagpatinag ang Iran.

Sa isang pahayag nitong biyernes, nangako si Supreme Leader Ali Khamenei na gaganti sila sa Israel, at asahan aniya nito ang isang mabigat na kaparusahan, galing sa kanila.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble