Isyu sa birth certificate ni Mayor Alice Guo, walang epekto sa reklamong human trafficking laban dito

Isyu sa birth certificate ni Mayor Alice Guo, walang epekto sa reklamong human trafficking laban dito

HINDI makakaapekto sa reklamo laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang isyu sa birth certificate nito.

Matatandaan na inirekomenda ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Office of the Solicitor General ang kanselasyon para sa birth certificate ni Guo dahil sa umano’y mali-maling impormasyon na nakalagay roon gaya ng lugar ng kaniyang kapanganakan at citizenship.

Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Mico Clavano, ibang usapin ang birth certificate mula sa reklamong human trafficking na inihain laban sa suspendidong alkalde dahil sa umano’y operasyon ng illegal POGOs sa Bamban.

Pero ayon kay Clavano, maaaring masampahan ng reklamo ang mga dawit sa pag-iisyu ng birth certificate ni Guo kapag napatunayang may anomalya sa pagpapalabas nito.

“It might open up a new case dahil malalaman talaga natin na peke ang inisyu sa kaniya na birth certificate so we have to make sure that these institutions kagaya ng PSA or any other agencies and department that issue IDs are protected from these anomalies and irregularities dahil nakaka-affect ‘yun sa credibility ng institutions natin,” wika ni Asec. Mico Clavano, Spokesperson, DOH.

Ayon pa kay Clavano, noon pa tinitingnan ng DOJ ang isyu sa mga pekeng government IDs dahil sa mga nakukumpiska sa mga sinasalakay na POGO.

Aniya, maaaring bahagi ito ng operasyon ng mga Chinese syndicate na nag-ooperate sa bansa.

“We have had experience when raiding mga POGOs scam hubs na may pekeng IDs so this might be product of itong Chinese syndicates we know that are operating here in the Philippines ‘yung mga crime syndicates umaabot na po sa puntong na parang transnational organized crime na po ang pumapasok sa Pilipinas” ani Clavano.

Rekomendasyon ng PSA para sa kanselasyon ng birth certificate ni Alice Guo, seryosong pinag-iisipan ng SolGen

Samantala, sa isang pahayag ay sinabi naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na seryoso nilang ikinukunsidera ang rekomendasyon ng PSA.

Pero, aniya, bahagi lamang ito ng mas malaking legal na aksiyon na hindi pa pwedeng ipaalam sa publiko.

“Yes, we are seriously considering PSA’s recommendation to file a petition for the cancellation of Mayor Guo’s birth certificate. But this will just be a part of a bigger legal action that we cannot publicly disclose at this time,” saad ni Solicitor General Menardo Guevarra.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble