NAGLABAS na ng memorandum circular si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. upang imbestigahan ng mga tauhan ng kagawaran kung ilan pang establisyemento o kagaya ng resort na itinayo sa Chocolate Hills.
Sa isang panayam, sinabi ni Abalos hindi lamang sa Chocolate Hills kundi sa mga protective area sa buong bansa.
Sa katunayan tatlong araw na umano sa lugar ang mga tauhan ng DILG upang mag-ikot at mag-imbestiga sa mga nagtatayo ng mga negosyo sa Chocolate Hills at sa iba pang lugar.
Nakatakda na rin pumunta araw ng Huwebes ang kalihim sa lugar matapos mabatid na hindi lang isang resort ang itinayo banda sa Chocolate Hills kundi mayroon pang iba.
Hindi pa matukoy ng DILG Chief kung ilan pa ang kagaya ng resort na naipatayong negosyo sa Chocolate Hills.
Pero aniya dapat malaman ito at maimbentaryo at kung dapat managot sa batas ay dapat managot.
Para kay Abalos kagaya ng ibang Pilipino, dismayado rin siya sa pagtatayo ng isang resort sa Chocolate Hills.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod sa isinagawang pagpapakilala sa programang Revitalized Pulis Sa Barangay (RPSB) sa mga mamamayan ng Brgy. Putatan, Muntinlupa.
Ayon kay PMGen. Edgar Okubo, hindi lamang peace and order ang kanilang pokus kundi iba’t ibang uri ng pagseserbisyo.
Layon nilang maipatupad ang vision ng PNP na tiyakin ang ligtas na lugar na tirahan, trabaho, at negosyo, kasama rito ang Crime Prevention and Drug Clearing Operation pati na rin sa usapin ng insurgency.
Sinusugan naman ito ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon.