Japan, gagastos ng karagdagang $660-M para sa relief assistance ng mga biktima ng lindol

Japan, gagastos ng karagdagang $660-M para sa relief assistance ng mga biktima ng lindol

GAGASTOS ang Japan ng karagdagang 660 milyong dolyar para isaayos ang mga lugar na nasira dahil sa mapaminsalang lindol noong unang araw ng buwan ng Enero.

Inanunsiyo ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang bagong tulong na ito mula sa gobyerno nang bisitahin niya ang pinakaapektadong lugar noong Sabado.

Pinaka-naapektuhan ng magnitude 7.5 na lindol ang Ishikawa Region kung saan sira-sirang kalsada at natumbang mga gusali ang sumalubong sa bagong taon ng mga residente ng lugar.

Ayon kay Kishida, ang karagdagang tulong na ito mula sa reserve funds ng kasalukuyang fiscal year na gagamitin para sa disaster relief at iba pang pangangailangan ay nakatakdang aprubahan ng gabinete sa susunod na mga araw.

Ito na ang ikatlong alokasyon ng emergency funds para muling isaayos ang Ishikawa Region, sa kabuuan nga ay aabot na sa 260 bilyong yen ang nailaan ng gobyerno na tulong para sa nangyaring lindol.

Sa kasalukuyan, 241 katao ang naitalang nasawi sa lindol at higit 10 libong katao naman ang nananatili sa mga shelter at hotel.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter