INIHAYAG ni Justice Sec. Boying Remulla na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang ibang nasa likod ng pamamaslang kay Percy Lapid at sa middleman maliban kay Ex Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at BuCor official Ricardo Zulueta.
Lumabas sa imbestigasyon ng PNP at NBI na si Bantag at Zulueta ang nasa likod ng pamamaslang sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid at middleman na si Jun Villamor.
Ang Mabasa family gusto pang manigurado na wala nang nasa likod nila Bantag at Zulueta nang gawin ang pamamaslang.
Ang Department of Justice (DOJ), wala nang nakikita na may iba pang nasa likod nila Bantag at Zulueta.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla sa media at sa isang text message ngayong araw, sa tingin nito wala nang ibang masterminds sa pamamaslang.
Isinasantabi naman ni Remulla ang posibilidad ng involvement ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kaso.
Anito dapat sumentro ang imbestigasyon sa krimen at hindi sa isyu ng pulitika.
Ayon kay Remulla, lahat ng testimonya at salaysay ng mga may alam sa pamamaslang ay nakaturo kay Bantag.
Samantala, patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang money trail sa perang nakapasok sa bank account ni Joel Escorial, ang shooter sa Percy Lapid murder.
Kinumpirma ni Remulla na mayroon ngang pumasok na 550-K doon.
Saad ng kalihim mayroon pa silang tinitingnan na mga persons of interest sa pagkakapasok ng pera sa bank account ni Escorial.
Matatandaan na ayon kay Escorial, 550-K ang ibinayad sa kaniya kapalit ang buhay ni Lapid.