USAP-usapan ngayon sa social media ang umano’y pamamahiya ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force Gabriel Go sa isang pulis Quezon City dahil sa pagpa-park sa bangketa.
Nagsagawa ang MMDA, sa pangunguna ni Go, ng clearing operations kung saan sakop ang Anonas Police Station noong Marso 25.
Kasunod ng nasabing insidente, hindi napigilan ni Senator JV Ejercito na kwestyunin kung sino ang nagbigay ng lisensya o awtoridad kay MMDA Special Operations Group Chief Gabriel Go upang umasta nang may kayabangan at kawalan ng respeto, lalo pa’t sa isang alagad ng batas.
“Who gave the license or authority to this Gabriel Go to act this way? San ba nanggaling ito at napakayabang ata? Overbearing and disrespectful to a police officer at that!” ayon kay Sen. JV Ejercito.
Bagama’t aminado ang senador na tama ang ginawa na mag-issue ng violation ticket laban sa pulis, hindi raw ito sapat na dahilan upang ipahiya pa ito.
“Tinekitan naman na ang pulis tama yon, no one is above the law, pero para ipahiya pa? Ano ito for the views? Dapat nag Vlogger ka na lang Boi!”saad ni Sen. JV Ejercito.
Dahil dito, nanawagan ang senador kay MMDA Chairman Romando Artes na agad na disiplinahin ang kanilang mga tauhan upang maiwasan ang ganitong uri ng pag-uugali sa ahensya.
Sa magkahiwalay na Facebook post, ibinunyag rin ni Ejercito na mayroon umanong sexual harassment case na isinampa ng isang MMDA lady traffic enforcer laban kay Go, na naging sanhi ng kanyang pagbibitiw noong 2023.
Kaya tanong ngayon ng senador kay Artes: bakit pa ulit kinuha si Go gayong may kaso naman pala ito?
Ayon naman kay Artes, kinikilala nila ang naging insidente at siniseryoso nila ang pagresolba rito nang may buong pananagutan.
Ipinaliwanag din nila na si Gabriel Go ay nagbitiw sa ahensya noong Hunyo 2023 at muling na-rehire noong Nobyembre ng parehong taon. Sa panahong iyon, wala umanong nakabinbing kaso laban sa kanya at wala ring pormal na reklamo o ebidensiyang isinumite sa MMDA Committee on Decorum and Investigation.
“Mr. Go resigned from our agency in June 2023 and was rehired in November of the same year. At the time of his rehiring, no case had been filed against him. No formal or sworn complaint, nor any supporting documentation related to the matter, was submitted to the MMDA Committee on Decorum and Investigation,” ayon kay Chairman Romando Artes, MMDA.
Sumulat na ang MMDA kay Ejercito upang humingi ng klaripikasyon patungkol sa kasong isinampa umano laban kay Go.
Kalakip ng liham sa senador ay ang isang follow-up na sulat na ipinadala ng MMDA Committee on Decorum and Investigation noong December 19, 2024 sa kawani na nag-aakusa kay Go.
Sa sulat ni Dr. Annabelle Ombina, CODI Chairperson, nagkusa na ang CODI para i-follow up sa kawani ang pormal na reklamo o anumang dokumentasyon kaugnay ng kanyang reklamo para sa tamang aksiyon.
Ayon pa sa opisyal, patuloy nilang pinaaalalahanan ang kanilang mga empleyado na sila ay mga lingkod-bayan at dapat nilang tratuhin ang lahat nang may respeto at paggalang.
Ngunit aniya, tao rin sila na napapagod at minsan, ang kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng batas-trapiko ay nagiging matindi.
“However, we are only human. We get tired, and sometimes, our zealousness in enforcing the traffic laws gets the best of us,” saad ni Artes.
Dagdag pa ng MMDA Chairman, isang show cause order na ang inisyu laban kay Go upang ipaliwanag ang kanyang naging asal sa clearing operations.
Humingi rin ng paumanhin ang MMDA sa publiko at sinabing magiging isang mahalagang aral ang pangyayaring ito para sa ahensya.
Nararapat din aniya na magkaroon ng maayos na paghingi ng paumanhin kay Captain Erik Felipe para sa anumang pinsalang idinulot nito sa kanya at sa kanyang pamilya.
Follow SMNI News on Rumble