IPINAGMALAKI ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang tagumpay ng nasasakupan nitong ahensya upang labanan ang mapang-abusong hakbang ng mga sindikato ng iligal na droga na sumisira sa maraming Pilipino.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año na ipinagmalaki nito ang tagumpay ng bansa kontra iligal na droga.
Aniya, sa kabila ng pandemya ay seryosong ginagampanan pa rin ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang ibang ahensya para labanan ang katiwalian sa bansa partikular na sa usapin sa iligal na droga sa pangunguna ng anti-illegal drug units ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Mula sa June 6 hanggang June 13 Sabado, isang malaking anti illegal drug operations ang isinagawa ng PNP at PDEA sa Imus, Cavite kung saan nasakote dito ang isang Chinese national na may bitbit na 117 kilo ng shabu o katumbas ng mahigit 795 milyong piso,” pahayag ni Año.
Kung susumahin aniya sa loob lamang ng isang linggo aabot sa mahigit P1-B halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad kasama na dito ang isinagawang operasyon kontra marijuana.
Sa kabilang banda, una na ring tiniyak ng PDEA na buo ang ugnayan nila ng PNP sa pagsawata sa problema ng iligal na droga sa bansa.
Samantala, may nais namang ipaabot si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga kritiko kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga.
Aniya, hindi maiiwasan na may namamatay sa mga operasyon dahil sa panlalaban ng mga ito.
Binara din ng Pangulo ang Commission on Human Rights (CHR) sa kagustuhan nitong makita ang lahat ng operasyon ng mga awtoridad kontra iligal na droga.
Ayon sa Pangulo, hindi maaaring ibunyag sa publiko ang nasabing operasyon dahil isa itong state secret.
Sa huli, nanindigan ang pangulo na malawak na ang operasyon ng iligal na droga sa bansa bago pa man ito umupo bilang Pangulo ng bansa.
Ani Pangulong Duterte, ngayon lang sa ilalim ng kaniyang termino nagkaroon ng matibay na pagsugpo sa mga sindikato matapos nitong ipag-utos na huwag matakot sa mga demanda sa ngalan ng malinis na pamahalaan.
Naniniwala si Pangulong Duterte na tama ang ginagawa ng kanyang mga kapulisan at hindi aniya gagawa ang mga ito ng hakbang sa mga operasyon nang hindi naayon sa batas.