PINALAKAS pa ng pinagsanib na pwersa ng Department of Health (DOH )at Food and Drug Administration (FDA) ang kampanya laban sa tumataas na bilang ng mga may sakit sa puso o cardiovascular disease.
Sa nakalap na datos ng dalawang ahensiya mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), sinasabing umaabot sa higit 130,000 Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa sakit sa puso.
Dahil dito isinusulong ng DOH, FDA at iba pang ahensiya ng pamahalaan na tuluyang tanggalin sa mga pamilihan ang mga produkto na mataas sa fatty acids.
Paliwanag ng mga eksperto, ang trans fatty acid (TFA) ay isang toxic fat na nagiging isa sa mga sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Sinabi ni DOH Public Health Services Usec. Dr. Beverly Ho na nagtutulungan ngayon ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor upang masiguro na ito ay naipatutupad ng mga food manufacturer.
Alinsunod na rin ito sa DOH Administrative Order (AO) 2021-0039 at FDA Circular 2021-028.
Kabilang sa mga pagkain na tinukoy ng mga health expert na may mataas na sangkap ng trans fatty acids ay ang kape, fried foods, mga pagkaing binebenta sa mga fast food, donuts, pizza, frozen foods, at iba pa.
Hinihikayat naman ng mga ito ang publiko na pumili ng mas masustansyang pagkain gaya ng mga gulay.
Matapos ang deadline na itinakda sa Hulyo 18, 2023, ang mga pre-packaged at processed food na may toxic fat ay ipinagbabawal na sa mga pamilihan.
Maliban dito, isinusulong nila sa Kongreso na tuluyang maging batas ang nasabing AO.
Pero, sa oras na hindi ito maipasa sisikapin pa rin ng DOH at FDA na iimplementa ito sa mga kumpanya.
Samantala, nais naman marinig ni Attorney Sophia San Luis ng Imagine Law sa nalalapit na 1st State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang solusyon nito sa kinahaharap na problema na may kaugnayan sa kalusugan.
Partikular na sa lumulubong bilang ng mga Pinoy na nagkakasakit sa puso.
Aniya, dapat protektahan ni PBBM ang kalusugan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtiyak na ang Pilipinas ay magiging TFA free.
Hinihimok ang Pangulo na isama ang TFA elimination bilang bahagi ng kanyang priority health agenda.