SUPORTADO ng limang bayan ng Maguindanao del Sur ang programa ng pamahalaan kontra loose firearms, kaya naman malaki ang pasasalamat ng mga kasundaluhan sa hakbang na ito ng mga lokal na pamahalaan.
Aabot sa 17 matataas na kalibre ng armas mula sa Maguindanao del Sur ang isinuko sa mga kasundaluhan. Ang mga nabanggit na baril ay itinurn-over sa 601st Infantry Brigade ng Philippine Army kamakailan lang.
Ayon sa pamunuan ng 601st Brigade, ang mga armas ay galing sa limang bayan kagaya ng Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustapha, Datu Abdullah Sangki, Sultan sa Barongis, at Rajah Buayan.
Ang naturang pag-turn-over ng mga armas ay naging posible dahil suportado ng mga nabanggit na bayan ang isinusulong ng mga sundalo na kampanya kontra loose firearms alinsunod sa Small Arms and Light Weapons Management Program.
Tiniyak ngayon ng pamunuan ng 601st Infantry Brigade na patuloy ang gagawin nilang paglalansag sa mga kagamitang pandigma sa nasasakupan nitong lalawigan para mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Samantala, pinuri naman ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang nasabing hakbang ng mga lokal na pamahalaan at muling nanawagan sa iba pang mga indibidwal na ilegal na humahawak ng armas, na tularan at gawing halimbawa ang mga naunang nagsuko ng kanilang mga baril.
“Ang pagsuko ng mga matataas na kalibre ng baril ay isang mahalagang hakbang sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa ating komunidad. Patuloy naming hinihikayat ang iba pang may hawak ng iligal na armas na makipagtulungan sa pamahalaan para sa mas ligtas at mapayapang rehiyon lalo na ngayong nalalapit na halalan,” wika ni MGen. Gerald Donald Gumiran, Commander, 6ID, Philippine Army.
Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at mamamayan para mapalakas ang kampanya laban sa loose firearms, kasabay ng pagsulong ng mga programang pangkapayapaan at pangkaunlaran sa rehiyon.
Follow SMNI News on Rumble