Kampanya vs cybercrime mas pinaigting ng CICC

Kampanya vs cybercrime mas pinaigting ng CICC

MAS pinaigting ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang kampanya nito upang mapalakas ang kooperasyon ng publiko sa pag-uulat ng mga kaso ng panloloko at iba pang cybercrime sa bansa.

Inihayag ni Undersecretary Alexander Ramos, executive director ng CICC, na dati’y may underreporting sa mga kaso ng cybercrime kaya hindi nakikita ang tunay na sitwasyon.

Pero dahil sa kampanya ng ahensiya, mas marami nang nagre-report ng mga insidente.

“So for us, the number of complaints that we are receiving is still very low. What we want is to have a real picture and because of this campaign marami na nagre-report, hindi yun nag-increase,” ayon kay Usec. Alexander Ramos, Executive director, Cybercrime Investigation and Coordinating Center.

Dagdag pa niya, hindi naman lumobo ang bilang ng mga gumagamit ng internet pero nananatili itong aktibo kaya mas madali nang makuha ang totoong datos.

Isa sa mga napansin ng CICC ay ang pagdami ng mga kaso ng crypto at forex investment scams tuwing holiday season.

Aniya, isa sa mga palatandaan ng ganitong modus ay ang pagtanggap ng mga unsolicited message sa social media o text na may kasamang kahina-hinalang link.

“Ang importante dito is recognition kung ano ang problema natin. Because we cannot develop a solution for a problem that insufficient ang information,” ani Ramos.

Pinayuhan din niya ang publiko na mag-ingat sa love scams, kung saan ang mga scammer ay nagpapanggap na kaibigan para makahikayat ng pera o investment mula sa biktima.

Ayon sa CICC, karamihan sa mga biktima ng online scams ay mula sa mga lalawigan at geographically isolated and disadvantaged areas.

Para tugunan ito, nakipagtulungan ang CICC sa Philippine National Oil Company upang makapagbigay ng hybrid green energy sa mga lugar na may mababang access sa kuryente.

Sa huli, naniniwala ang CICC na dapat maging bukas ang larangan ng cybersecurity para sa lahat, kabilang na ang kababaihan.

“Dapat ang cybersecurity must be a field that is open to everyone. Tinesting natin, kakayanin ba na ating mga kababaihan? Kinaya naman at ipinasapan nila. So I would say that we should encourage more women participants pagdating sa usaping cybersecurity, pagconduct ng investigation, analytics,” aniya.

Sa patuloy na paglaganap ng cybercrime sa bansa, nananatili ang CICC sa adhikain nitong protektahan ang publiko mula sa iba’t ibang uri ng panloloko online.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble