Kapamilya actor, tinawag na iresponsable ng PNP dahil sa pag-endorso ng kandidato gamit ang PNP uniform

Kapamilya actor, tinawag na iresponsable ng PNP dahil sa pag-endorso ng kandidato gamit ang PNP uniform

PINAGPAPALIWANAG ng Philippine National Police (PNP) Police Community Affairs and Development Group Region 12 ang Kapamilya actor na si Mark Manicad, matapos na kumalat ang larawan nito sa social media na nag-iendorso ng kandidato gamit ang PNP uniform.

Ayon sa PNP, iresponsable ang naturang aktor.

Ang pag-endorso ng pulis sa isang kandidato habang sya ay nakauniporme ay mahigpit na ipinagbabawal.

Isa lamang ito sa sagradong patakaran ng PNP lalo na sa panahon ng kampanya at eleksiyon.

Lalo pa ayon sa PNP, kung hindi awtorisado ang isang tao na magsuot nito.

Kaya naman, labis na ikinadismaya ng PNP ang tinuran ng Kapamilya actor nang kumalat ang post nito online na nagi-endorso ng isang kandidato habang nakasuot ng uniporme ng pulis.

Sa panayam ng SMNI News kay PCADG -12 PIO Head Police Colonel Ma. Joyce Raro Birrey, tinawag nito ang aktor na iresponsable gayong nananatiling non-partisan ang PNP lalo na sa panahon ng halalan.

“‘Yun pong pagsusuot po ng uniporme na hindi naman po miyembro ng kapulisan ay napakairesponsableng act po, ang humihingi nga po sana kami ng statement kung saan man po siya involve yung indibidwal na yun na nagsuot ng uniporme at nag endorse ng kandidato na humingi siya ng paumanhin sa aming kapulisan kasi madadamay po lalo na yung mga hindi nagbabasa ng article, aakalain po nila na pulis po yung nagi-endorse nung kandidato na iyon na nakasuot po ng uniporme,” sinabi ni PCol. Birrey.

Hinihingan din ng agarang pahayag ang aktor upang alisin ang post nito kasabay ng paglilinaw na hindi ito miyembro ng PNP.

“Kailangan po talaga niyang i-correct po yung post niya. Kasi, yun nga po ikinakampanya po natin na maging responsable po tayo dahil sa panahon ngayon na lahat ay online na po, gusto po nating i-correct yung mga fake news na lumalabas. So, nananawagan po kami, lalo-lalo na sa mga influencers, sa mga vloggers, sa mga artista or individuals na maraming followers na maging responsable po tayo sa ating mga posts,” ayon pa kay Birrey.

Kaugnay dito, magsasagawa rin ng imbestigasyon ang PNP sa kapabayaang ito ng aktor at pinayuhang huwag idamay sa personal nitong aktibidad ang mga uniporme ng kapulisan kundi hanggang sa trabaho lang bilang isang artista.

“Isa po yun sa dapat na titingnan po natin kung bakit nakasuot po siya ng uniporme. Kung sakali man na mayroon siyang role na ginampanan sa isang pelikula or isang palabas, dapat hindi niya po yan ginagamit sa personal niyang na mga post. Pwede niya pong gamitin ang uniporme doon lang sa role niya sa isang palabas, pero paglabas po doon hindi na po, mayroon po siya iba-violate na batas sa pagsusuot ng uniporme ng kapulisan,” paliwanag ni Birrey.

Sa huli, nanindigan ang PNP na walang kinalaman ang kanilang organisasyon sa larawan ng aktor na si Marc Manicad na naka-suot ng uniporme ng pulis na sumusuporta sa isang presidential candidate.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Alba, ang nasabing larawan ay “misrepresentation” ng kanilang organisasyon para sa political mileage at propaganda.

Kailangan aniya na tanggalin ng may-ari ng Facebook page ang larawan at humingi ng paumanhin.

Hindi aniya nila palalampasin ang ganitong gawain at pananagutin ang mga responsable sa ganitong aksyon.

Dagdag pa ni Alba, hindi gawain ng PNP na maglabas ng political statement sa panahon ng halalan at mananatili silang “non-partisan” o walang iindorsong kandidato.

Makikita sa larawan ng aktor ang post nito na nakasaludo habang suot-suot ang uniporme ng PNP habang mababasa ang kaniyang pagsuporta sa isa sa mga presidential aspirant na si Vice President Leni Robredo.

Republic Act 493 – an act to prohibit the use or conferring of military or naval grades or titles by or upon persons not in the service of the Armed Forces of the Philippines or the Philippine constabulary, to regulate the wearing, use, manufacture, and sale of insignias, decorations and medals, badges, patches, and identification.

Ayon sa Republic Act 493 -mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot, paggawa at pagbibenta at maging paggamit ng mga titulo, ng militar o pulis na nasa serbisyo sa AFP at PNP.

Follow SMNI News on Twitter