DUMATING na sa Pilipinas ang panibagong batch ng mga pinamiling Sinovac COVID-19 vaccines ng pamahalaan mula China.
Sakay ng chartered flight ng pamahalaang nasyonal na Philippine Airlines Flight PR361 ang 3 milyong dosis ng Sinovac vaccines.
Ang mga naturang bakuna ay lumapag sa Terminal-2 ng Ninoy Aquino International Airport pasado alas 11:15 ng umaga.
Ayon Kay National Task Force Against COVID-19 Head Of Strategic Communications on Current Operations Assistant Secretary Wilben Mayor ide-deploy ang mga naturang bakuna sa iba’t- ibang rehiyon ng bansa .
“Lahat ng mga regions na nangangailangan ng bakuna ay doon po natin sila idedeploy,” ani Mayor.
Saad ng opisyal, 47,500,000 dosis na ng Sinovac ang nakuha ng Pilipinas, kasama na ang mga binili at donasyon.
Sa kabuuan, higit 117 million dosis na ng COVID-19 vaccines ang tinanggap ng bansa simula Pebrero.
Hindi pa malinaw kung ang mga bakunang dumating ay magiging bahagi ng isasawagang National Vaccination Day pero tiniyak ni Mayor na may inilaan nang mga bakuna ang pamahalaan para sa naturang kaganapan.
“Marami na tayong vaccines, all the brand of vaccine s ay meron na tayo,” saad ni Mayor.
“So, ifu-full blast natin yung three-day National Vaccination Drive at kung ano ang dapat gamitin sa araw na iyon ay gagamitin ng task force para masiguro na ma-maximize natin ang mga bakuna na meron na tayo sa inventory natin,” dagdag niya.
Samantala, inaasahang sunod-sunod ding ide-deliver sa bansa ang 1,733,940 doses ng Pfizer vaccines.