3 araw na massive vaccination drive vs. COVID-19, inirerekomenda na ideklarang national holidays

3 araw na massive vaccination drive vs. COVID-19, inirerekomenda na ideklarang national holidays

PARA makalahok ang lahat ng mamamayang Pilipino sa massive vaccination program kontra COVID-19, inirerekomenda ng Pandemic Task Force na ideklarang national holidays.

Sa “Talk to the People” public address ni Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang mga detalye ng iminungkahing tatlong araw na “national vaccination day” laban sa COVID-19.

Ani Galvez tatawagin ang naturang programa bilang “Bayanihan, Bakunahan” at pansamantalang nakatakda mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Aniya, maaari itong gawin sa pamamagitan ng pag-isyu ng Executive Order mula sa Pangulo o Department Circular mula sa Department of Health (DOH).

“It will be likened to ‘yung like its election day na talagang lahat po ng tao pupunta doon sa vaccination area. Like an election, doon po sila sa mga presinto. Ito po ang mga tao po na hindi pa bakunado at ‘yun pong magkakaroon po ng mga boosters ay doon po pupunta sa tinatawag natin na mga designated na vaccination areas,” pahayag ni Galvez.

Dagdag ni Galvez, 5 milyong indibidwal araw-araw ang target nilang mabakunahan sa tatlong araw na ito, na sabay-sabay na gaganapin sa 16 na rehiyon kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Saad ng pandemic official na lahat ng ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs), civil society organizations, at private sector partners ay kikilos din para lumahok sa vaccination day.

Ipapakalat din aniya ang mga healthcare worker mula sa mga pampubliko at pribadong ospital, at mga boluntaryo mula sa Philippine Medical Association (PMA) at kanilang mga component society sa mga rehiyon at probinsiya upang dagdagan ang mga vaccinator sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang manpower.

Sa deployment ng mga bakuna, sinabi ni Galvez na ang mga asset mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay gagamitin para ihatid ang mga supply pababa sa mga itinalagang lugar ng bakuna.

Hihilingin din ng national government ang tulong ng pribadong sektor upang maihatid ang mga bakuna sa mga lugar na pinagtutuunan ng bakuna.

Dagdag ni Galvez, paiigtingin din ng pambansang pamahalaan ang kanilang information dissemination campaign para maikalat ang planong araw ng pagbabakuna.

Samantala, upang matiyak na makakamit ng lahat ng LGU ang kanilang mga target sa pagbabakuna sa katapusan ng taon, magsasagawa ang pamahalaan ng “sustainment operations” mula Disyembre 2 hanggang 31, matapos ang tatlong araw na araw massive vaccination drive.

Aniya, sa panahon ng sustainment operations, magsasagawa sila ng assessment at evaluation ng programa, pagpapabuti ng vaccination capacities ng LGUs, at regenerate sources at personnel sa mga priority areas upang matiyak ang pagpapatuloy ng immunization drive.

“But it doesn’t stop there. Ang ano po natin isu-sustain pa rin po natin ‘yung vaccination day po na ‘yun,” ayon kay Galvez.

“And we will also conduct another — another ano, what we call the ano, the different consultations with the LGUs and also with the different organizations in order to complete all the different ingredients and details of this plan,” dagdag ng vaccine czar.

Sa 50 million individuals na target ng pamahalaan na mabakunahan bago magtapos ang taon, mahigit 35 million na ang nakatanggap ng kanilang unang dosis habang mahigit 30 million na ang fully vaccinated.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.