SUMUKO ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang lider sa Sultan Kudarat kahapon, Abril 6.
Karagdagan ito sa siyam na sumuko ngayong linggo sa 603rd Infantry Brigade sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat.
Nagdesisyon ang mga bagong sumuko na makinabang sa amnesty program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa batas at pagsuko sa limang mataas na kalibreng mga armas.
“This is an indication that the stronghold of the communist terrorist group is continously weakening in Sultan Kudarat,” ayon kay Lt. Col. Rommel Valencia, commanding officer ng 7th Infantry Battalion (7IB) ng Philippine Army.
Hindi ibinunyag ni Valencia ang mga pagkakilanlan ng mga sumuko dahil sa kadahilanang pangseguridad ngunit isa aniya rito ay NPA political instructor.
Ayon kay Valencia, ang mga dating rebelde ay miyembro ng Sub-Regional Committee Daguma ng NPA sa Far South Mindanao Region na sumuko sa 7IB headquarter sa Barangay Kalawag II, sa bayan ng Isulan.
Kabilang din sa isinuko ng grupo ang tatlong .30 caliber M1 Grand rifles, isang M14 rifle, at isang M79 grenade launcher.
Ayon kay Maj. Gen. Juvymax Uy, commander ng 6th Infantry Division, umabot na sa kabuuang 37 rebeldeng NPA ang sumurender sa militar sa Central Mindanao simula noong Enero 1, 2021.
(BASAHIN: Mga rebeldeng sumuko sa Sultan Kudarat, nangakong hindi na babalik sa NPA)