Karagdagang vaccination sites, itinayo sa mga barangay ng Makati City

HINDI na kailangang pumunta pa ng mga senior citizen Barangay Bel-Air sa vaccination sites ng Makati City Coliseum upang magpabakuna kontra COVID-19.

Ito ay dahil binuksan na kahapon ang gym ng nasabing barangay bilang vaccination center ng Makati LGU.

Ang Covered Court ng Barangay Bel-Air ay isa sa limang barangay na ginawang vaccination site ng Makati LGU upang maserbisyuhan ang iba pang senior citizens na nagprehistro para sa libreng COVID-19 vaccination program.

Target ng barangay ang mabakunahan ang nasa 1,020 na mga senior citizens mula sa Bel-Air, Salcedo at Malugay area sa loob ng apat na araw.

Ikinatuwa naman ng mga senior citizen ang pagbubukas ng vaccination center na anila ay madali na lamang mapuntahan at hindi na kailangan pang bumiyahe.

Kahapon ay nagsimula na rin ang bakunahan kontra COVID-19 sa mga covered courts ng Forbes Park, San Lorenzo at Urdaneta at sa Asia Pacific College sa Barangay Magallanes.

Ayon kay Mayor Abby Binay na mas mapapabilis ang pag babakuna sa mga residente dahil sa mga karagdagang vaccination sites.

“With the arrival of a new batch of vaccines from the national government, these additional vaccination sites will speed up the rollout of COVID-19 vaccines to thousands of Makatizens who have registered online for Bakuna Makati,” pahayag ni Binay.

Target ng Makati LGU ang mabakunahan ang nasa higit 155,000 na mga senior citizen sa buong lungsod.

Sa mga bagong bukas na vaccination site, mga senior citizen lang ang paglalaanan ng bakuna habang ang mga person with comorbidities ay mananatili pa rin sa Makati Coliseum.

Ayon kay Brgy. Chairman Constacia, base sa direktiba ni Mayor Abby Binay na hanggang sa Biyernes lang ang operation ng vaccination site ng covered court.

(BASAHIN: Makati LGU, naglaan ng P1B para sa libreng COVID-19 vaccine sa mga Makatizen)

SMNI NEWS