Kasalukuyang chain of command ng PNP, magulo ayon sa isang dating PNP official

Kasalukuyang chain of command ng PNP, magulo ayon sa isang dating PNP official

IKINABABAHALA ng isang dating opisyal ng PNP ang tila bagong chain of command ngayon sa Philippine National Police (PNP).

Kaugnay ito sa nangyaring pag-amin ni Justice Secretary Jesus “Boying” Remulla sa pagdinig ng Senado, sa nakita niyang iregularidad sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Lumabas sa pagdinig na DOJ ang nagbigay ng clearance kay Chief PNP General Rommel Marbil, na iniutos naman kay CIDG Director Nicolas Torre para pangunahan ang operasyon sa mabilis na pagpapalipad kay Duterte sa The Hague, Netherlands noong a-onse ng Marso.

Dahil dito, tila naguluhan si PNP retired Lieutenant General Filmore Escobal sa pangyayari.

Sa kanyang official social media post, tinatanong nito ang PNP kung may chain of command pa ba ang pulisya base sa mga pahayag ni Remulla sa nagdaang hearing sa Senado.

“May chain of command pa ba ang PNP? Ito ang lumalabas na bagong chain of command sa hearing. SOJ gives clearance to SILG, SILG relays to CPNP, CPNP relays to D, CIDG,” ayon kay Ret. LtGen. Filmore Escobal, PMA Class of 1991.

Giit ni Escobal, kailanma’y hindi naging bahagi sa command ng PNP ang anumang kautusan mula sa Department of Justice at DILG—kundi ang presidente lamang bilang commander-in-chief.

“Dati kasi President is Commander and Chief — then CPNP, then subordinate commanders na down to Chief of Police. Wala man dati sa chain of command ang secretaries ng DOJ at DILG,” saad ni Escobal.

Matatandaang hindi sinagot ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang tanong ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kung sino ang nag-utos o utak ng pagpapa-aresto kay Duterte.

Una nang inamin ni Police Major General Nicolas Torre na sumunod lang siya sa utos ni Marbil para arestuhin ang dating Pangulo.

At nang si Marbil naman ang tinanong, agad nitong ginamit ang kanyang “executive privilege” para huwag sagutin ang katanungan kung sino naman ang nag-utos sa kanya para gawin ang agarang pagpapaalis ng Pilipinas kay dating Pangulong Duterte.

Kapansin-pansin ang pananahimik ni Marbil, na agad sinalo ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla. Sinabi niyang siya ang may clearance sa operasyon laban kay Duterte.

Sinunod lamang aniya ito ng DILG Sec. Jonvic Remulla, na iniutos naman kay PNP Chief Marbil, na siya rin namang ipinatupad ni CIDG Director Nicolas Torre.

Gayunpaman, hindi inamin ni Remulla kung saan at kanino galing ang order o kautusang kanyang ipinatupad para dakpin, pilit na pasakayin sa eroplano, at palabasin ng Pilipinas.

Tanong naman ngayon ni General Escobal—sino ang nagbigay ng utos para arestuhin si Pangulong Duterte?

Batay aniya sa Senate hearing, tila walang malinaw na sagot mula sa mga resource persons kung sino ang nasa likod ng pag-aresto.

“‘Di malinaw sino nagbigay ng order?” ani Ret. LtGen. Filmore Escobal.

Sa huli, kitang-kita sa pagdinig ang tila pagtatanggol ni Remulla sa mga kasamahan nitong naiipit sa sitwasyon kaugnay naman sa paggamit ng “executive privilege.”

Aniya, dahil sa nasabing pribilehiyo para sa kanilang nasa ehekutibo, hindi na aniya kailangang isapubliko pa ang mga plano at preparasyong ginawa ng gobyerno sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble