INATASAN ni Justice Secretary Crispin Remulla ang mga prosecutor ng gobyerno na gawin ang lahat ng legal na paraan para maidiin sa kasong pandaraya ang mga opisyal ng Abra Mining and Industrial Corporation.
Nauna diyan ay naghain ng kasong fraudulent trading of shares noong 2015 hanggang 2019 sa Department of Justice (DOJ) ang Securities and Exchange Commission na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa DOJ.
Samantala, nito lamang Mayo 3 ay nagsampa ng 441 counts na reklamo ang SEC ng mga paglabag sa Securities Regulation Code at mga paglabag sa Revised Corporation Code.
Bukod pa diyan ay naghain din ng civil and criminal forfeiture ang SEC para hindi magalaw o ma-freeze ang mga ari-arian ng mga respondents dahil sa paglabag sa Anti Money Laundering Act.
Nag-ugat ang kaso makaraang nadiskubre ng SEC na nawala umano ang mga shares of stocks ng Abra Mining and Industrial Corporation na walang ginawang public offering na nakalista sa Philippine Stock Exchange at sa Philippine Depository and Trust Corporation.