NAKAPAGTALA ang bansa ng 922 na kaso ng measles-rubella mula Enero 1 hanggang Marso 1 ngayong taon.
Ito ang iniulat ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo, kung saan 35% ang itinaas nito kumpara sa 683 na naitalang kaso noong 2024.
Mula Pebrero 2 hanggang Marso 1, ani Domingo, naitala rin ang patuloy na pagtaas ng kaso sa ilang rehiyon kabilang na ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos, Bicol, Western Visayas, at SOCCSKSARGEN.
Batay sa rekord ng ahensiya, nasa 625 o 68% sa mga naiulat na kaso ay hindi pa bakunado o hindi pa kumpleto ang bakuna kontra tigdas.
Ang tigdas ay isang lubhang nakahahawang sakit na maaaring kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing.
“Kapag hindi kaagad naagapan ang tigdas ay maaari itong humantong sa seryosong kondisyon tulad ng pulmonya, impeksyon sa utak, at kamatayan, lalo na sa mga batang wala pang limang taong gulang,” wika ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.
Sa kabila nito, ayon kay Domingo, maaaring maiwasan ang ganitong mga komplikasyon kung bakunado ang mga bata laban sa tigdas.
Patuloy naman aniya ang bakunahan ng measles, mumps, rubella (MMR) para sa mga batang 9-12 buwan sa mga health centers.
“Bukod dito, magsasagawa rin ngayong Marso ng catch-up immunization laban sa tigdas para sa batang 13-59 na buwan sa mga piling rehiyon tulad ng Central Luzon, Calabarzon, SOCCSKSARGEN, at BARMM,” dagdag nito.
Kung sakali namang makitaan ng sintomas ng tigdas, tulad ng mataas na lagnat, pantal sa katawan, ubo, sipon, at pamumula ng mata, ay nagpayo ang DOH na agad kumonsulta sa doktor ng pinakamalapit na health center.