INIHAYAG ni Senator Sherwin Gatchalian na posibleng lumubo ang kaso ng karahasan at pang-aabuso sa mga kabataan at kababaihan sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa pang-apat na araw ng pinakamahigpit na ECQ sa National Capital Region (NCR), hinimok ni Senador Win ang mga awtoridad na maging alerto sa panahon ng pandemya.
Ito ay dahil sa posibleng paglobo ng mga kaso ng karahasan laban sa mga kabataan.
Matatandaang, tinukoy ng grupong Save the Children ang datos ng Philippine National Police (PNP) na dumadami ang mga krimen laban sa mga kababaihan at kabataan noong magpatupad ng ECQ noong isang taon.
Noong April 2020, umabot sa 1,284 na kaso ang naitala ng PNP, mahigit 500 sa mga bata at higit 700 laban sa mga kababaihan habang tumaas ito noong Hunyo sa kaparehong taon nasa mahigit 1,700 para sa mga bata at mahigit 2000 naman sa kababaihan.
Dahil sa hirap ng kabuhayan dulot ng pandemya sa bansa ay maaring maging bunsod ito karahasan laban sa mga kababaihan at mga kabataan.
Aniya, ikinababahala nito na maraming biktima ang mas mahihirapang humingi ng tulong dahil sa mga bagong paghihigpit.
Dagdag pa ni Gatchalian, kailangan panatilihin ang mga help lines ng National Bureau of Investigation Violence against Women and Children Desk kasama na rin ang PNP Women and Children Potection Center.
Ani Win, mahalaga rin ang papel ng bawat barangay dahil mas malapit ang mga ito sa posibleng biktima.
Sa ilalim ng Protocol for Case Management of Child Victims of Abuse, Neglect and Exploitation ng Committee for the Special Protection of Children, dapat magkaroon ang mga barangay ng help desk upang matutukan ang mga kaso ng karahasan at pang-aabuso laban sa mga kabataan at kababaihan.
Mandato rin sa mga barangay na makipag-ugnayan sa mga social workers, health officials at mga women and children protection units upang tulungan ang mga biktima.
BASAHIN: Pagbabantay laban sa child abuse ngayong ECQ, ipinanawagang paigtingin