Kaso ng pertussis sa bansa, mahigit isang libo na; 54 na nasawi, 5 taon pababa

Kaso ng pertussis sa bansa, mahigit isang libo na; 54 na nasawi, 5 taon pababa

PATULOY sa pagtaas ang kaso ng pertussis o tusperina o whooping cough sa bansa.

Sa pinakabagong ulat ng Department of Health (DOH) ngayong araw ng Martes, pumalo na sa 1,112 ang kaso ng pertussis.

Ayon sa ahensiya, ito ay 34 na mas mataas kung ikukumpara sa naitalang kaso sa magkaparehas na panahon noong nakaraang taon.

Sa naturang kaso, 54 ang nasawi na kinabibilangan ng mga bata na may edad 5 pababa.

Nakita ang tuluy-tuloy na pagtaas ng kaso ng pertussis sa mga rehiyon ng Eastern Visayas, Cagayan Valley, Caraga, Central Luzon at Cordillera Autonomous Region (CAR) sa nakalipas na anim na linggo.

Sa kabuuang kaso ng pertussis, 77 percent ay kinabibilangan ng mga bata na may edad limang taon pababa.

Ayon sa ahensiya, maaari pang magbago ang bilang ng mga kaso dahil posibleng mayroon pang mga hindi naii-report sa ahensiya.

“The number of cases may still change as there may be late consultations and reports” ayon sa Department of Health (DOH).

Una nang sinabi ng DOH na ang pagtaas ng kaso ngayon ng pertussis ay dahil na rin sa nangyaring pandemya kung saan naging hadlang ang mga ipinatupad na lockdown sa routine vaccination laban sa sakit.

Sinabi rin ng ahensiya na ang pagtaas ng kaso ng pertussis at measles ay nangyayari din sa ibang mga bansa.

“The World Health Organization (WHO) Regional Office in the Western Pacific (WPRO) already confirmed last April 5, 2024 that measles and pertussis are concerns of many countries, because the COVID-19 pandemic lockdowns hampered routine vaccination,” saad ng DOH.

Bakuna para sa pertussis, posibleng magkulang sa Mayo—DOH

Samantala, sinabi naman ni Health Sec. Ted Herbosa na nakikita nilang magkukulang ang bakuna laban sa pertussis pagdating ng Mayo.

Sa kabila kasi na nakapag-order na sila ng 3M pentavalent vaccines ay sa Hunyo pa ang dating ng mga ito.

Pero ayon dito, tinutugan na ng ahensiya ang problema sa pamamagitan ng pagbili ng ibang uri ng bakuna na DTP Vaccines na panlaban sa diphtheria, tetanus, and pertussis.

Maliban dito, mayroon pang mga stock ng bakuna ang mga private sector ayon sa kalihim.

Welcome para sa ahensiya ang anumang tulong o assistance na makukuha nito mula sa kanila.

“We anticipate a shortage in government pentavalent vaccine supply by May, and this is the gap we are now addressing. We will have another type of vaccine, the DTP – Diphtheria, Tetanus, and Pertussis. Also, there are pentavalent and TDP vaccines available for purchase in the private sector; there is no physical shortage. We will welcome any offers of support and assistance from our private sector partners,” ani Sec. Ted Herbosa, DOH.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble