NILAGDAAN ng Pilipinas at Vietnam ang mga kasunduan sa kooperasyon sa iba’t ibang larangan.
Kabilang dito ang kasunduan sa rice trade, incident prevention at management sa South China Sea (SCS) gayundin ang kooperasyon sa agrikultura at kultura.
Nitong Enero 30, 2024, sinaksihan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at President Vo Van Thuong ng Vietnam ang paglagda at pagpapalitan ng mahahalagang dokumento pagkatapos ng kanilang bilateral meeting sa Presidential Palace sa Hanoi.
Pinirmahan ng Pilipinas at Vietnam ang memorandum of understanding (MOU) on Rice Trade Cooperation.
Ang nasabing MOU ay lumilikha ng isang balangkas para sa rice cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Viet Nam upang matiyak ang napapanatiling suplay ng pagkain sa gitna ng epekto ng climate change, pandemya, at iba pang kaganapang panlabas sa parehong bansa.
Sa ilalim ng MOU, sumang-ayon ang Vietnam sa limang-taong trade commitment na magsu-supply, sa pamamagitan ng pribadong sektor ng puting bigas sa Philippine private sector.
Aabot ito ng 1.5-M hanggang 2-M metriko tonelada (MT) bawat taon sa isang mapagkumpitensiya at abot-kayang presyo.
Bukod sa rice trade, inaasahang magpapalitan din ng impormasyon ang Pilipinas at Vietnam sa mga patakaran, plano, regulasyon, at iba pang aktibidad na may kinalaman sa rice-trade.
Samantala, sa pinirmahang MOU on Cooperation in Agriculture and Related Fields, mapapaigting ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam sa hanay ng agrikultura, rural development at iba pang kaugnay na larangan.
Sa pamamagitan din ng nasabing MOU, maitatatag ang 19 ‘areas of cooperation’ kabilang ang high value crops, livestock’s, aquaculture, farm management at sustainability, smart agriculture at aquaculture technology, research trainings gayundin ang exchanges of experts.
“I am pleased that we have finalized the MOUs on Rice Trade Cooperation and Cooperation in Agriculture and Related Fields. We also welcome the finalization of agreements between state-owned and private companies on rice trade,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Doon naman sa ‘Incident Prevention and Management’ sa South China Sea, nagkasundo ang dalawang bansa na pahusayin ang koordinasyon hinggil sa maritime issues.
“I hope that through dialogue, we can maintain a peaceful, friendly, and harmonious environment in the South China Sea,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Sa kabilang banda, ang MOU on Maritime Cooperation ay naglalayong palakasin ang pagkakaunawaan, tiwala sa isa’t isa, at kumpiyansa sa pagitan ng dalawang partido.
Ito’y sa pamamagitan ng pagbuo ng Joint Coast Guard Committee upang pag-usapan ang mga karaniwang isyu at interes sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Vietnam Coast Guard (VCG).
Kasabay rito, itatatag ang isang hotline communication mechanism sa pagitan ng PCG at VCG.
“The MOA on the Establishment of Hotline Communication Mechanism signed in 2011 between our coast guards should be strengthened through the use of digital platforms,” ani Marcos.
Sa pamamagitan naman ng Cultural Cooperation Program, palalawakin ng Pilipinas at Vietnam ang pagpapalitan ng kultura at palalakasin ang ugnayang pangkaibigan alinsunod sa Cultural Agreement na nilagdaan ng dalawang bansa noong 1998.
Si Pangulong Marcos ay nasa Vietnam para sa kaniyang two-day state visit sa naturang bansa.