NILAGDAAN ng Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) ang isang memorandum of agreement (MOA) upang magkaroon ng dagdag na training ang mga pulis.
Ginawa ang seremonya sa PNP National Headquarters, Camp Crame sa pangunguna nina PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. at Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.
Nakapaloob sa MOA ang 300 milyong piso para sa training at education program ng mga pulis na pinondohan sa ilalim ng Special Provision No. 11 ng General Appropriations Act of Fiscal Year 2023.
Ayon kay Azurin, mahalaga ang training at education program para sa development at formation ng mga pulis lalo’t nagbabago ang mga paraan sa kanilang pagtugon sa pagpapatupad ng batas kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya.
Umaasa si Azurin na sa pamamagitan ng pagsasanay ay magreresulta ito sa mas epektibo at mahusay na mga pulis.
Pinasalamatan ni Azurin ang mga mambabatas na naging daan para magkaroon sila ng special provision, gayundin kay Remulla na dumalo sa seremonya.