KINUMPIRMA ng Commission on Elections (COMELEC) at Bureau of Corrections (BuCor) na mahigit 800 na mga persons of deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ang kauna-unahang nakaboto ng lokal ngayong araw ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Pasado alas siyete ng umaga nang magsimula ang pagboto ng mga PDL sa NBP Muntinlupa, araw ng Lunes.
Si Ryan at si Tony ay parehong mga bilanggo sa NBP ang nakaboto para sa 2023 BSKE.
Ayon sa kanila, hindi nila personal na kilala ang kandidato na binoto nila at sa pamamagitan ng leaflets o flyers ay doon sila bumabase para makaboto.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) chairman George Erwin Garcia, hindi kasi pinayagan ang mga kandidato na mangampanya sa Bilibid Compound dahil sa isyu ng seguridad at tanging flyers lamang ang pinayagan na makarating sa mga bilanggo.
Ang pahayag ng opisyal ay kasabay sa isinagawang voting inspection kasama si BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa mga PDL sa NBP, Muntinlupa, araw ng Lunes.
Paliwanag ni Garcia, ang 880 naitalang PDLs ng Muntinlupa na bumuto sa BSKE ay wala pang paghatol o patuloy ang pagdinig sa korte.
At ito rin ang kauna-unahang pagboto ng mga PDL para sa local elections.
Gayunpaman, ayon kay Catapang, wala naman naging problema at maayos naman ang naging botohan ngayong BSKE.
Sa tala ng BuCor sa kabuuang bilang ng mga PDL mula sa pitong Operating Prison and Penal Farms (OPPF), mahigit dalawang libo dito ang kuwalipikadong bumoto.
Ayon sa BuCor, nasa 817 lamang ang aktuwal na PDL sa Muntinlupa ang nakaboto at natapos ito bago mag-alas dose ng tanghali.