PORMAL nang inilunsad nitong Lunes, Enero 8 ang kauna-unahang Ajinomoto SariCycle: Sari-Sari Store Plastic Collections Challenge sa Quezon City.
Kasunod ito ng isang kasunduan na nilagdaan ng QC LGU sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte, Ajinomoto President Koichi Ozaki at ng Basic Environment Systems and Technologies, Inc. (BEST).
Ang SariCycle: Sari-Sari Store Plastic Collections Challenge ay isang inisyatibo ng kilalang Japanese Umami brand na Ajinomoto na layunin na bawasan ang polusyon mula sa plastik, kunin ang mga single-use plastic mula sa mga post-consumer, itaguyod ang tamang pamamahala ng basura para sa flexible plastics, at suportahan ang mga may-ari ng sari-sari store upang maging responsable sa kalikasan.
“The SariCycle program is one among many of our initiatives to re-use and manage our plastic waste. Through this program, we able to support the very communities,” ayon kay Mr. Koichi Ozaki, President, Ajinomoto Philippines Corp.
“Kikita na kayo, makatutulong pa kayo sa kalikasan. Makatutulong pa kayo sa kapwa Pilipino,” ayon kay Mayor Joy Belmonte, Quezon City.
Bawat kilo ng single-use plastic (SUP) ay may katumbas na environment points (EP) na maaaring gamitin sa pamamagitan ng isang card upang pambili ng mga grocery at iba pang produkto at serbisyo sa iba’t ibang plataporma.
“Si BEST (Basic Environment Systems and Technologies, Inc.) ‘yung aming partner ay pupunta doon sa sari-sari store, kokolektahin ‘yung mga timbang nong mga plastic waste at ‘yun ay magkakaroon ng corresponding points. Si BEST ang magbibigay ng points sa kanila. Mayroon kaming tinatawag na app. They can check as well ‘yung points na nakolekta sa kanila. But simply say ‘yung card na ‘yun na parang ATM, doon lahat ipapasok ‘yung mga nakolekta nila base doon sa timbang at bigat ng kanilang dinalang mga waste plastic,” ayon kay Mr. Ernie Carlos, Chief Sustainability Officer, Ajinomoto Philippines Corporation.
Sa bawat isang kilo ng kahit anong brand ng plastic na makokolekta ay may katumbas itong 1.5 EP.
Habang sa bawat isang kilong plastic ng Ajinomoto brand na makokolekta ay may katumbas ng 3 EP at piso ang katumbas ng bawat isang EP.
Nasa 150 na mga sari-sari store owners sa Quezon City ang unang mapapalad na makabebenepisyo sa nasabing programa ngayong taon.
Target ng Ajinomoto na palawakin pa ang programa sa buong Pilipinas.
“I wish buong Pilipinas but at this time, inuumpisahan namin ito sa Quezon City muna. We partnered with local government and BEST of course in the future kapag ito ay naging very successful during our evaluation then we are planning to expand, this why not in the whole Philippines but probably it could be a Manila project in the next time,” dagdag ni Carlos.
“Magandang project po ito kay mayor at sa buong Quezon City para iwas basura din po,” ayon kay Fe Moscoso, Sari-Sari Store Owner.
“Magandang proyekto po ito para sa ikagaganda ng ating kapaligiran,” ayon kay Michele Gayoma, Sari-Sari Store Owner.
“Siyempre po masaya. Dahil siyempre katulong sakin ang Ajinomoto kapag nakaipon kami (ng plastic), mas maraming kita, dagdag puhunan po,” ayon kay Lani Eloro, Sari-Sari Store Owner.