Kawalan ng aksiyon ng Marcos admin sa mga nawawalang balikbayan boxes, ikinadismaya ng OFWs

Kawalan ng aksiyon ng Marcos admin sa mga nawawalang balikbayan boxes, ikinadismaya ng OFWs

IKINADISMAYA ng OFWs ang kawalan ng aksiyon ng Marcos admin sa mga nawawalang balikbayan boxes.

KAHIT pabalik-pabalik na sa tanggapan ng Senado ang grupo ng mga OFW kaugnay sa kahilingan nilang magsagawa ng imbestigasyon sa libu-libong mga biktima ng mga nawawalang balikbayan boxes, hanggang ngayon umaasa pa rin sila na dinggin ang kanilang panawagan.

“Sana po pero nakakadismaya lang, ako sobra lang nadismaya,” ayon kay Jeffrey Balsa, Chairman, OFW Assistance Advocates.

Si Rutchi at si Rosa Marie ay parehong mga OFW mula sa Middle East.

Noong nakaraang taon pa nila ipinadala ang kanilang balikbayan box sa Pilipinas habang sila ay nasa ibayong dagat.

Pero ang masakit diyan – kahit nakauwi na sila sa Pilipinas ngayong taon, ang balikbayan boxes na inaasahan ng kanilang pamilya na katas ng kanilang pinaghirapan ay nagmistulang bula na basta na lang naglaho sa isang iglap.

“Nakakapagod na rin tapos, nakailang balik na kami sa Senado, walang aksiyon, pinapasa na rin kami kung kani-kanino, tapos nakarating na rin kami sa Baguio,”saad ni Rosa Marie Hernandez, OFW.

“Nananawagan ako na sana po maibalik sa amin ng mga nabiktima, ‘yung aming mga pinaghihirapan, na pinag-iipunan na maipadala sa aming pamilya, marami sa mga kasama ko sa bahay biktima, apat na karton,” dagdag pa nito.

Mismong si Jeffrey Balsa – Chairman ng OFW Assistance ang nangunguna para hanapin ang mga nawawalang balikbayan boxes ng OFW at ang hindi na mabilang na pagpunta sa Senado para i-follow up ang mga kahilingan nila sa mga senador na magkaroon ng imbestigayon sa nawawalang balikbayan boxes.

“Pabalik-balik na lamang ako sa Senado, hindi po ako nagsasawa para tumulong sa ating mga OFW, pero wala pa ring imbestigasyon until now, so hanggang kailan kami maghihintay? Kailangan pa bang mag viral kami, kailangan pa bang may magbuwis ng buhay sa aming OFW?” giit ni Balsa.

Paliwanag ni Balsa – nagtuturuan ang mga cargo shipping company sa abroad at sa Pilipinas kung bakit hindi nakakarating ang balikbayan boxes ng mga OFW sa dapat nitong destinasyon.

Hinahayaan din ng mga Shipping company na ang Bureau of Customs (BOC) na ang magdesisyon kung dapat bang abandonahin o i-auction ang balikbayan boxes.

“Si Cargo sa abroad, mangongolekta ng balikbayan boxes, mangongolekta ng bayad tapos ipapadala sa container, pagdating sa container dito sa Pilipinas, itong si Cargo ang sinasabi ng mga local forwarder hindi nagbayad sa kanila, kaya itong si local forwarder ngayon is hindi niya matubos-tubos ‘yung mga kailangang bayaran doon sa Bureau of Customs, kaya natengga na, inaabot ng isang taon,” saad pa ni Balsa.

Matatandaan na nitong Marso ay naghain ng resolusyon si Sen. Lito Lapid para maimbestigahan ng Senado ang reklamo ng libu-libong OFWs na pagkawala ng kanilang ipinadalang balikbayan boxes.

Sa kaniyang Senate Resolution No. 950, kasama rin sa nais ni Lapid na mabigyang kasagutan ay ang mga insidente ng pagkawala ng ilang laman ng balikbayan boxes.

Ngunit ang nasabing resolusyon hanggang ngayon ay hindi pa ramdam ng mga OFW.

“Nadismaya ako sa administrasyon, bakit napakatipid ng aksyon niyo sa aming mga OFW, ‘di ba ‘Bagong Bayani’ kami? ‘Di ba napakalaki ng share namin sa bansang Pilipinas?” ayon kay Balsa.

Nitong Hunyo 13 ay naglabas ng liham ang tanggapan ni Sen. Jinggoy Estrada at sinasabing ang nasabing resolusyon na inilabas ni Sen. Lapid ay nai-refer na sa Committee on Ways and Means kung saan si Sen. Win Gatchalian ang chairman.

Dahil dito, umaasa at patuloy pa ring umaapela ang mga OFW para maresolba ang matagal nang isyu.

“Nanawagan kami kay President Marcos na sana po kami naman ang tulungan niyo kasi gaya namin na matagal nang OFW, nakakapagod na rin pong mangibang bansa, sa totoo lang, malayo sa pamilya,” ayon kay Rutchie Mabalatan, OFW.

“Kay President Bongbong Marcos sana matulungan po kaming lahat na mga OFW sa aming mga hinaing,” ayon naman kay Rosa Marie Hernandez, OFW.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble