BINUWELTAHAN ng isang veteran broadcaster ang mga kongresistang aniya’y balat sibuyas matapos ipatawag ang ilang social media personalities kaugnay sa isyu ng fake news.
Iginiit nito na sa ilalim ng demokrasya, dapat sundin ang Saligang Batas at respetuhin ang kalayaan sa pamamahayag.
“But apparently itong mga congressman natin mga balat sibuyas pagka naapektuhan sila kaagad-agad ang nasa isip nila, ipatawag yan. hindi po dapat ganon. Kung gusto nyo, alisin niyo muna ang demokrasya kung ganyan ang stilo ninyo. Kasi habang nabubuhay tayo sa demokrasya, susunod tayo sa alituntunin, susunod tayo sa Saligang Batas,” ayon kay Jay Sonza, Veteran Broadcaster.
Ito ang naging komento ng beteranong broadcaster na si Jay Sonza kaugnay sa pagdinig ng House Tri-Comm sa ilang social media personalities at vloggers na sangkot umano sa isyu ng fake news.
Ayon kay Sonza, walang katotohanan ang tinatawag na fake news, maliban na lang kung ito’y sadyang imbento.
Pinuna rin niya ang ilang kongresista na walang anumang ebidensiya at basta-basta na lang binansagan na mga bayarang vlogger ang ilang social media personalities.
“Halimbawa sinabi ng congressman itong apatnapung blogger o social media personalities ay mga blogger ng POGO ng China etc. etc. Yan ang fake news kasi hindi totoo. Gawa-gawa ang story eh. Because they have never proven na itong mga sinasabi ng blogger ay mga bayarang blogger,” saad ni Sonza.
Bukod dito, ipinagtanggol rin niya ang mga tinaguriang vloggers, na ayon sa kanya, karamihan ay mga propesyonal at simpleng mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon.
Kinuwestiyon din ni Sonza ang timing ng imbestigasyon ng Kongreso, na aniya’y isang palabas lamang na nagpapakita ng kawalan ng kaalaman ng ilang mambabatas.
“Sabi ko nga kanina nagsabog ng katangahan ang mga congressman. Pangalawa malinaw ang saligang batas. ang sinasabi po ng Saligang Batas, hindi ka pwedeng magpasa ng batas para sagkain ang kalayaan sa pagkahayag o freedom of expression at kalayaan sa pamamahayag o freedom of speech. So malinaw. Kaya ginaranti ayan, the Bill of Rights,” ani Sonza.
Samantala, nagbabala ang House Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information, na ang hindi pagsunod sa show cause orders ay maaaring humantong sa mas mabibigat na aksyong legal, kabilang na ang pagpapalabas ng subpoena at pagsasampa ng contempt charges.
Follow SMNI News on Rumble