TUMAAS ng 9% o P3.4B ang budget ng Marikina City para sa 2025, kumpara sa P3.2B noong nakaraang taon. Bagama’t agad na naipasa ang budget para sa 30 departamento, nagpapahayag ng pag-aalala ang ilang konsehal dahil sa kakulangan ng transparency sa proseso.
“Kaya kami humihingi ng dagdag na dokumento para magkaroon ng mahusay, educated at fruitful na discussion, sapagkat ang budget ay pera ng taong bayan,” wika ni Coun. Bong Magtubo, Marikina City.
Batay sa Local Government Code, dapat na maisumite ang mga dokumento ng budget bago ang Oktubre 16. Ngunit sa panahon ng kanilang sesyon, wala silang natanggap na dokumento kundi isang sulat lamang mula sa tanggapan ng alkalde.
Aminado rin naman ang ilang konsehal na nakarating sa kanila ang impormasyon mula sa Chief Executive Officer na may mga dokumento bago ang deliberasyon, ngunit wala silang natanggap na kopya ng dokumento.
Oktubre 16 pa umano ibinigay ang kopya ng budget mula sa Executive ngunit ang nakapagtataka saan napunta ang kopya.
“Ang tawag dito check and balance kung wala namang tinatago at nagkucomply sila sa procedure walang dapat ikatakot,” wika ni Coun. Jane Zubiri – Dela Rosa, Marikina City.
Sinubukan naming kunin ang pahayag ni Marikina City Mayor Teodoro Marcy, ngunit wala pa itong sagot.