PINAL na nga ang desisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Enero 13 na sisimulan ang malawakang rehabilitasyon sa EDSA.
‘Yan ang inihayag ni Transportation Secretary Vince Dizon matapos ang ilang ulit na pagkaantala nito dahil sa hindi matapos-tapos na mga plano.
Para maiwasan ang abala at trapiko sa daan muling ipatutupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ito ay matapos katigan ng Korte Suprema ang mosyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang Temporary Restraining Order nito.
Sabi ng transport group na ALTODAP na isa sa mga petisyoner, bukas naman sila na muli itong ipatupad.
Ngunit, magkaroon muna daw ng konsultasyon bago ito muling ipatupad.
“Ang ayaw lang namin siguro ay ‘yung sa local government. Ang inaayawan lang namin is ‘yung 60/40. Gumawa ng isang maganda o maayos na guidelines ang MMDA na maipakita sa amin ang guidelines nila at dapat makausap nila kami,” ani Boy Vargas, National President, ALTODAP.
Giit nila, huwag sanang abusuhin ang muling pagpapatupad ng NCAP gaya ng reklamo noon dahil sobrang singil sa multa.
Dapat din na sa loob lamang ng 3-5 araw ay matanggap na ng isang violator ang notice of violation o summon.
“Dapat dumating kaagad ang summon para hindi nagkakasapin-sapin para kung tumubos ang drayber ay isang summon lang o dalawang summon ay matubos kaagad,” dagdag ni Vargas.
Ang problemang ito ng ALTODAP sa NCAP ay kapareho rin sa nakikita ng isang road safety advocate.
Marami umanong paraan upang mapabilis ang pagpapadala ng notice o summon sa mga violator.
“We encourage government to take a look at use of technologies available wether its text or emailed that the notice of violation will send immediately,” wika ni Atty. Robby Consunji, Member of the Board of Trustee, Automobile Association of the Philippines.
DOTr Chief, aminado na malaking hamon ang muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy
Kaugnay nito, aminado naman si Sec. Dizon na bagama’t makatutulong ang NCAP na bahagyang pagaanin ang mabigat na daloy ng trapiko ay malaki pa rin ang hamon kakaharapin sa pagpapatupad nito.
“To accept or to acknowledge starting from the highest official from the President himself down from the head of the agencies from Secretaries like myself, heads of LTO, heads of the LTFRB to acknowledge that there is something wrong,” saad ni Sec. Vince Dizon, Department of Transportation.
Isa sa binigyang-diin ni Dizon ay kung paano malalaman sa pamamagitan ng CCTV kung lumabag ang isang drayber sa batas trapiko kung kulang-kulang naman ang mga marka o signs.
Bukod pa rito, paano rin maayos ang mga kaso tulad ng kung binili ang sasakyan ng second hand at naipadala ang notice of violation sa dating may-ari imbes sa bagong may-ari nito.
“Ang problema naman kamukha kanina sinabi ng road safety advocate na gusto niyang ilipat but it took him 4 months bago niya ilipat. Dahil napakagulo ng proseso so ‘yan kailangan review ng gobyerno,” ani Dizon.
Sa ngayon ay isasapinal pa umano ng MMDA ang mga panuntunan upang maging malinaw ito sa publiko. Batay na rin sa desisyon ng Korte Suprema, tanging MMDA lamang ang pinahintulutan na muling magpatupad ng NCAP. Ibig sabihin, hindi maaaring manghuli o maniket ang sinumang LGU na dati ay kabilang sa mga nagpapatupad nito. Sabi ng MMDA na magsisimula ang implementasyon sa NCAP EDSA at C5 sa Lunes, Mayo 26.