PAGKATAPOS ng mga sunod-sunod na paglabag, kinansela na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kontrata ng developer sa likod ng Masungi Geopark sa Tanay, Rizal.
Ang hakbang na ito ay naglalayong protektahan ang isa sa mga pinaka-kilalang eco-tourism sites sa bansa mula sa mga hindi tamang gawain at hindi natupad na obligasyon.
“We are demanding the Blue Star to evacuate the area,” ayon kay Atty. Norlito Eneran, Assistant Secretary for Legal Affairs and Enforcement, DENR.
Ito ang panawagan ng DENR laban sa Blue Star Construction Development Corporation—ang developer ng Masungi Geopark, isang kilalang eco-tourism site sa Tanay, Rizal.
Kasunod ito ng patung-patong na paglabag ng developer sa Masungi GeoReserve at hindi pagtupad sa mga obligasyon batay sa supplemental agreement na pinasok noong 2022.
Batay sa kasunduan, nakapaloob ang pagtatayo ng Blue Star ng housing project sa lugar na hindi natupad.
Sa isang press conference nitong Biyernes, sinabi ni DENR Assistant Secretary for Legal Affairs and Enforcement, Atty. Norlito Eneran, na inaprubahan na ng ahensya ang tuluyang pagkansela ng kontrata nito.
Ilan sa mga dahilan ng kanselasyon ay ang kawalan ng Presidential Proclamation na nagdedeklara sa lupang sakop ng kontrata para sa layuning pabahay.
Wala ring dokumento na nagpapatunay na dumaan sa tamang bidding process ang proyekto.
Isa pa, hindi rin naipatupad ang 5,000-unit na Garden Cottages housing project sa loob ng limang taon mula nang pirmahan ito noong Nobyembre 15, 2002.
“Ang ginawa nila is gumawa ng mga trail nung mga web doon sa Masungi.”
“No one is above the law. So, lahat po kahit kasamahan natin sa pag-conserve o pagpro-protect kapag nag-violate sila ng batas ay aaksyon ang gobyerno,” saad ni Eneran.
Lumabas din sa imbestigasyon ng DENR na mali ang pagbabakod sa bahagi ng lote at labis na paghihigpit sa pag-access ng mga empleyado o opisyal ng DENR.
Dahil dito, inatasan ng DENR ang developer na lisanin ang 300 ektaryang sakop ng kinanselang kasunduan sa loob ng 15 araw matapos nilang matanggap ang Letter of Cancellation.
“The general idea is to DENR take control of this area as well as the other agencies na may right din over this area. Remember this 300-hectare is now titled in favor of the Department of Justice, the Bureau of Corrections,” aniya.
Pero kung magmatigas aniya ang developer at tagapagtaguyod ng Masungi GeoReserve, hihingi ng tulong ang ahensya sa mga awtoridad.