NAGPAPATULOY ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr.
Ito ang iginiit ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. matapos mapatay sa hot pursuit operations ang isa sa pinaniniwalaang suspek sa insidente.
Ayon kay Azurin, nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga biktima at kanilang mga pamilya para makuha ang kanilang mga pahayag hinggil sa insidente para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo.
Kasabay nito, hinimok ng Chief PNP ang sinumang may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek na makipagtulungan sa pulisya.
Kinundena rin ni General Azurin ang pananambang sa gobernador at tiniyak na gagawin nila ang lahat ng makakaya upang mapanagot sa batas ang mga salarin.