PINAHIHINTO ng Korte Suprema ang nakatakdang plebisito ng Commission on Elections (COMELEC) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 7-Setyembre 21 ng kasalukuyang taon para sa paglikha ng tatlong bagong bayan sa BARMM.
Idineklara kasi ng Korte Suprema na labag sa batas ang Section 05 ng Bangsamoro Autonomy Act Nos. 53, 54, at 55.
Nakasaad sa naturang probisyon na tanging ang mga kuwalipikadong botante lang sa mga barangay sa mga bagong munisipalidad ang boboto sa plebisito pero batay sa hatol ng korte ang mga kuwalipikadong botante sa mga parehong bago at pinanggalingang munisipalidad ay dapat maisama sa plebisito.
Sinabi rin ng korte na hindi maaring magsagawa ng anumang aktibidad ang COMELEC na may kaugnayan sa ratipikasyon.
‘‘The prayer for injunctive relief is also granted. Accordingly, a final prohibitory injunction is issued, effective immediately. Respondent Commission on Elections is enjoined to desist from holding plebiscites on September 7 and 21, 2024, and from performing any and all acts related to the ratification of Bangsamoro Autonomy Act Nos. 53, 54, and 55,’’ pahayag ni Atty. Camille Sue-Ting, Spokesperson, Supreme Court.
Ombudsman at DILG, pinagpapaliwanag sa preventive suspension na ipinataw kay suspended Cebu City Mayor Michael Rama
Samantala, pinagkokomento naman ng Supreme Court ang Ombudsman at DILG sa ipinataw na suspensiyon laban kay suspended Cebu City Mayor Michael Rama.
Ito ay matapos maghain ng petisyon si Rama na kumukuwestiyon sa legalidad ng ipinataw na suspensiyon at sa apela na maisyuhan ng Temporary Restraining Order ang naturang suspensiyon.
‘‘The Court required the respondents to file their comment to the petition and prayer for temporary restraining order within a non-extendible period of 10 days from notice,’’ ayon kay Atty. Camille Sue-Ting, Spokesperson, Supreme Court.
SC, pinalawig pa ang suspensiyon para sa huwes na nasuhulan umano para sa isang sibil na kaso
Samantala, kinatigan naman ng Supreme Court ang rekomendasyon ng Judicial Integrity Board para sa pansamantalang pagsuspinde kina Judge Albert T. Cansino at Officer-in-Charge/Acting Branch Clerk of Court Mariejoy P. Lagman, kapwa mula sa Branch 108, Regional Trial Court, Pasay City, dahil sa diumano’y pagtanggap ng PHP 6,000,000 mula sa isang litigante kapalit ng paborableng desisyon sa isang sibil na kaso.
Pinalawig din ng Supreme Court ang kanilang pansamantalang pagsuspinde habang ang imbestigasyon ay nagpapatuloy.