KAKULANGAN ng classroom at congestion ng mga estudyante ang ilan sa pangunahing problema na sasalubong sa ilang paaralan sa CALABARZON at Metro Manila.
Ilan sa tinitingnan ngayon ng Department of Education (DepEd) ay kung paano pagkakasyahin ang bilang ng mga estudyante sa loob ng isang classroom.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagpa-enroll ng mga estudyante sa pampublikong paaralan para sa school Year 2022-2023.
Sa datos ng DepEd, aabot na sa higit 19 milyon mula sa inaasahang 28.6 milyon ang nagpa-enroll para sa darating na pasukan.
Sa nasabing bilang, nasa higit 16.7 milyon na ang nakapagtala sa pampublikong paaralan kung saan nangunguna ang Region IV A (CALABARZON) na sinundan ng Region III at Metro Manila.
Ayon sa DepEd, tataas pa ang bilang sa mga susunod na araw.
Pero isa sa hamong kinakaharap ngayon ng kagawaran ay ang kakulangan ng classrooms.
Dahil ito sa congestion o sobrang dami ng estudyante sa mga pampublikong paaralan lalo na sa CALABARZON at sa Metro Manila.
Mayroong pondo para sa pagpatatayo ng karagdagang mga silid-aralan pero sa 2023 pa.
Pero sa ngayon na wala pang maipapagawa ay may nakikitang solusyon ang DepEd.
“But right now ‘yun ‘yung iniisip namin na strategy dyan shifting para maiwasan natin ang overcrowded para as much as possible meron pa ring physical distancing ‘yung mga bata and then of course there’s always an option na blended learning,” pahayag ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa.
Naibaba naman sa regional offices ng DepEd ang budget para sa pagpatatayo ng temporary learning spaces sa mga lugar na apektado ng lindol.
Bawat temporary learning space na ipatatayo ay nagkakahalaga ng P180,000.
“Meron na din pong ire-release na guidelines kung ano ba talaga ‘yung hitsura ng temporary learning spaces natin. Top of my mind kasi I don’t have the guidelines right now but siyempre may bubong ‘yan and it will be walled. So, hindi po siya ‘yung parang open lang kasi nga delikado pa rin naman pag-open dahil nga may mga dengue. So, sa ngayon po it will be walled, may roof po siya and it has to be well-ventilated,” ayon kay Poa.
Samantala, pinahahanda na rin ngayon sa mga paaralan ang kanilang Infection Containment Strategy o hakbang na gagawin sakaling may magpositibo sa COVID-19 na estudyante o guro sa paaralan.
Bukod pa ito sa ilalabas na safety guidelines ng DepEd sa pagsisimula ng face-to-face classes.
“Hindi nga natin masasabi baka may mag-positive po na mga estudyante kailangan may plano ang bawat school kung ano ang gagawin nila, kung ano ang protocols nila diyan,” ani Poa.