BUHAY na buhay na naman ang usapin ng Charter Change (Cha-cha) ngayong 2024.
Muling umugong ang usapin matapos na pumutok ang kontrobersiyal na people’s initiative sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa pagbabago ng 1987 Constitution.
Umabot pa nga sa isyu ng umano’y suhulan para lamang makapangalap ng lagda sa taumbayan para lumarga na ang Cha-cha.
Pero, nagkasundo kamakailan ang Senado at Kamara hinggil dito.
Nitong Lunes, inihain ni Senate President Migz Zubiri ang Resolution of Both Houses 6.
Ito’y para luwagan ang economic restrictions ng Saligang Batas.
Nais amyendahan ng Kongreso ang Section 11, Article 7 ng Konstitusyon para i-relax ang 60-40 arrangement ng mga negosyo sa bansa.
Required kasi na 60% na pag-aari ng isang Pinoy ang mga negosyo sa Pinas.
Luluwagan din ang restrictions para sa advertising industry.
70% Filipino rin kasi ang requirement dito.
Kasama rin sa luluwagan ang educational institutions.
60-40 rin ang ownership arrangement dito sa bansa.
Paliwanag naman ng ekonomista, pinakamainam ang pagluluwag sa mga dayuhan na buong makapagmay-ari ng mga eskwelahan.
“Kasi marami sa ating mga kababayan kagaya ko na gustong mangibang bansa para mag-aral. Kung mare-relax yung restriction sa foreign ownership lalo na sa education, eh maganda siguro kung may mga universities sa ibang bansa na nag-ooperate din sa ating bansa,” ayon kay Dr. Michael Batu, Filipino Economist sa Canada.
Saad ni Batu, ito rin ang ginawa ng mga malalaking bansa.
Halimbawa rito ang ginawa ng Dubai kung saan pinapasok ang mga tanyag na universities sa London, Amerika, at China.
Ganito rin ang ginawa ng China kung saan pinapasok ang mga kanluraning unibersidad.
Kung maluluwagan ang restriksiyon na ito, potensiyal ang Pilipinas na maging numero unong educational hub sa buong mundo.
“So imagine mo kung mayroong ganyan sa Pilipinas, ano? Kung mayroong Harvard na campus sa Pilipinas? Kung mayroong Stanford na campus sa Pilipinas, merong Peking University na nag-ooperate sa ating bansa, London School of Economics may mayroong branch sa Manila? So hindi mo na kailangan pang magpunta ng UK, hindi mo kailangan pang pumunta ng China para mag-aral,” dagdag ni Batu.
Kapag nagtagumpay ang pagsusulong ng economic Cha-cha, magiging posible na sa Kongreso na magpasa ng mga batas para maging full-owner na ang mga dayuhang investor.
“Kapag ni-relax mo ang restriction, that will allow the entry of a lot of physical capital that will help the economy generate jobs. And hopefully, good paying jobs para sa ating mga kababayan,” ani Batu.