Kuwait, walang opisyal na komunikasyon sa umano’y paglabag ng Pilipinas—DMW

Kuwait, walang opisyal na komunikasyon sa umano’y paglabag ng Pilipinas—DMW

WALANG opisyal na komunikasyon ang Kuwait government sa pamahalaan kaugnay sa umano’y paglabag ng Pilipinas sa labor agreement sa pagitan ng mga ito ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Iginiit ni DMW Undersecretary Hans Cacdac na aalamin pa ng pamahalaan ng Pilipinas ang tunay na dahilan kung bakit nagpatupad ang Kuwaiti government ng suspensiyon sa pagbibigay ng visa sa mga manggagawang Pilipino.

Ito’y kasunod ng balitang lumabag umano ang pamahalaan sa labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Kabilang na rito ang pagtatayo ng shelter para sa mga distressed overseas Filipino worker at pagkikipag-usap sa mga Kuwaiti employer upang sagipin ang mga inaabusong OFW, mga bagay na labag umano sa batas ng Kuwait.

Sa programang Laban Kasama ang Bayan nitong Mayo 16, inihalad ni Cacdac na nagpadala na ng mga opisyal ang pamahalaan upang magkaroon ng pag-uusap ang dalawang bansa.

“Yung sinasabing violation of any agreement, wala po yun sa official communication. Nadidinig natin sa social media. Nadidinig natin sa other news reports, verbal accounts, etc. So, we really have to find out during the talks that starts today what are precisely the reasons. At pag nilahad sa atin ang mga dahilan sasagutin po namin yan isa’t isa. Rest assured masasagot po natin yan,” ayon kay Usec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Dagdag pa ni Cacdac, titiyakin ng pamahalaan na magkakaroon ng labor diplomacy sa pagitan ng mga naturang bansa.

“All these things must be discussed within the context labor diplomacy and definitely with stronger and protective measures for our OFW,” dagdag ni Cacdac.

DMW, pinuri ang magandang polisiya ni FPRRD para sa mga OFW

Samantala, kinilala naman ni Cacdac ang magandang polisiya para sa mga OFW sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte lalo na sa bansang Kuwait.

“There’s no question that President Duterte, the father of OFWs, laid down the very strong policy which brought forth the first ever bilateral labor agreement on domestic workers between the Philippines and Kuwait,” ayon pa kay Cacdac.

Mensahe naman ni Cacdac para sa mga OFW sa Kuwait, na makipag-ugnayan lamang sa pamahalaan upang matulungan.

“Pwedeng-pwedeng dumulog sa 1-3-4-8 hotline. Huwag kayong mag-alala, tutulungan po namin kayo. Mahal namin po kayong lahat, Mag-ingat po tayo,” aniya.

Samantala, matatandaang tiniyak din ng pamahalaan na tutulungan ang mga apektadong OFW na naabutan ng patakaran ng Kuwait at isasama nila sa National Reintegration Program ng DMW.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter