‘Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally’ ikinasa ng KOJC para sa sambayanan

‘Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally’ ikinasa ng KOJC para sa sambayanan

PATULOY na umaani ng atensiyon ang rally na nagsimula sa panawagan na bigyang hustisya si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Sa bawat araw na lumilipas ay unti-unti na nitong sinakop ang Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila.

Suot ang puting damit, libo-libo ang nakikiisa sa Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally.

Ang kanilang panawagan ay hindi lamang naipapakita sa tangan nilang placards kundi maging sa pag-awit, pagsayaw, pag-ihip ng mga instrumento, at sa seryosong dalangin.

Kakaiba man ang rally na ito kumpara sa mga nakasanayan, ang malinaw ay lumalakas ang kanilang boses para pukawin ang sambayanan.

May ilang personalidad din ang personal na bumisita sa venue.

Ang mga dating kadre ng CPP-NPA-NDF na sina Ka Eric Celiz at Ka Peter Mutuc ay umakyat sa entablado para isigaw ang kanilang mga panawagan sa gobyerno.

Sina Atty. Vic Rodriguez at Atty. Trixie Angeles na dating bahagi ng BBM administration ay naroon din.

Mula naman sa nakaraang Duterte Administration ay hindi nagpahuli ang dating presidential legal counsel na si Atty. Salvador Panelo, at ang dating presidential spokesperson na si Atty.  Harry Roque.

Kasama rin sa mga dumalo ang mag-asawang Coco Naik at Astra Pimentel Naik ng PDP-Laban, Dating Negros Oriental Congressman Jing Paras, at marami pang iba.

Via Zoom ay virtual naman na nakapiling ng mga raliyista ang mga kilalang vlogger na sina Binibining Maharlika, live mula sa U.S. at live naman mula sa China si Sass Rogando Sassot.

Bukod sa pagiging engrande ng rally na inumpisahan ng Kingdom of Jesus Christ ay sinasalamin din nito ang mga aral na itinuturo ni Pastor Apollo.

Sa bawat kaganapan ay kitang-kita ang pagkakaisa.

Di rin matatawaran ang husay at galing ng bawat presentasyon.

Ang sakripisyo na ipinakita ng mga magdamagang nanatili sa venue.

At dito napatunayan na ang cleanliness is Godliness.

Nakapanlulupaypay man ang dinadanas ni Pastor Apollo sa kamay ng gobyerno pero ‘di ito naging dahilan para matigil ang kaniyang pagmamahal sa ating bayan.

Sa katunayan, ang kaniyang uri ng pagmamahal ay mas lalo pang nag-alab na siya namang dumapo sa puso’t isipan ng ating mga kababayan.

Sa makabagong teknolohiya at social media ay bumuhos din ang suporta – patunay na sa ating ‘Laban Kasama ang Bayan’ ay di tayo nag-iisa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter