ITURING na scam ang lahat ng mga links na natatanggap sa texts.
Ito ang paalala ng tech editor na si Art Samaniego sa panayam ng SMNI News bilang suporta sa utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunication companies na i-deactivate ang links mula sa mga kahina-hinalang site sa text messages.
Nitong September 13 nang inilabas ng NTC ang isang memorandum para sa telcos ukol dito kung saan lahat ng domains, URLs, TinyURLs, Smart Links o QR Codes mula sa kahina-hinalang sites ay i-block o i-deactivate.
Paalala pa ni Samaniego sa publiko, maging responsable sa paggamit ng social media at huwag mag-overshare ng anumang personal na detalye o ang ginagawang aktibidad.
Samantala, tinawag naman ni Samaniego na overkill ang ipinanukala ni Sen. Lito Lapid na mag-submit ng valid ID bago magparehistro ng social media accounts ang lahat ng social media users.
Nakasaad din sa panukala na ang sinumang magbibigay ng hindi totoong identity ay pagbabayarin ng P100-K o hanggang 6 na taong pagkakakulong.