NIRERESPETO ng Lakas-CMD ang desisyon ni Vice President Sara Duterte na magbitiw na sa partido.
Sa pahayag ni Lakas-CMD Secretary General Rep. Joboy Aquino, pinasalamatan ng mambabatas ang pangalawang pangulo sa serbisyo nito na ibinigay sa partido bilang kanilang party chairman at pagtulong sa kanila na itayo ang Unity Team at pagdadala ng makahulugang pagbabago sa lipunan.
Suportado rin ng partido ang panawagan ni VP Sara sa lahat ng political leaders na magkaisa para suportahan si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at magkaisa para sa tagumpay ng kasalukuyang administrasyon para sa kapakinabangan ng taumbayan.
Dagdag pa ni Aquino, patuloy na maniniwala ang partido na tanging ang nagkaisang bansa ang makapag-aangat sa mga Pilipino mula sa kahirapan at matiyak ang mas maayos na kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Matatandaan na epektibo kahapon, May 19 ang resignation ni VP Sara sa partido kung saan siya ang chairperson.
Hindi naman binanggit ng pangalawang pangulo kung ano ang dahilan ng kaniyang pagbibitiw sa partido.
Tiniyak naman ni VP Sara sa mga Pilipino na patuloy ang kaniyang pagseserbisyo sa bansa kung saan siniguro pa nito na hindi ito maaapektuhan ng anumang political toxicity o political powerplay.