Pagpapaliban sa Brgy at SK Elections, ratipikado na ng Kongreso

Pagpapaliban sa Brgy at SK Elections, ratipikado na ng Kongreso

TANGING pirma na lang ng Pangulo ang kulang para matuloy na ang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections (BSKE) matapos niratipikahan na ng Senado at Kamara ang Bicameral Conference Committee Report na nais i-postpone ito sa Oktubre 2023.

Ang halalan ay unang ipinanukala na ipagpaliban ng isang taon o sa  Disyembre 2023.

Miyerkules ng gabi ay niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang report kung saan isinaalang-alang nito ang House Bill No. 4673 at Senate Bill No. 1306 na may layuning ipagpaliban ang halalan.

Ang panukala ay ipapadala sa Malakanyang upang pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Sa plenaryo ang sinang-ayunang bersyon ng Senado ang binasa ni Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Local Government.

Tutol naman ang minorya sa ratification ng panukala kabilang sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Pia Cayetano, at minority leader Koko Pimentel.

Isang oras matapos aprubahan ng Senado ang panukala ay agad naman na sumunod ang Kamara.

Matatandaan na una nang umapela ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga mambabatas na isapinal ang kanilang desisyon sa magiging kapalaran ng BSKE bago matapos ang buwan upang walang masayang na pondo.

Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na katiting lamang ng inilaan na ₱8.4-B pondo ang nagastos sa ngayon.

Ngunit hirit ng poll body na mangangailangan ito ng karagdagang pondo sakaling ipagpaliban ang BSKE.

Nakikita nito ang paglobo ng bilang ng mga botante na mangangahulugan ng pangangailangan para sa mas maraming presinto, suplay, at kawani.

Bukod sa pagpapaliban sa BSKE ay ratipikado na rin kagabi sa Senado ang SIM Registration Act.

Follow SMNI NEWS in Twitter