ISUSULONG ni senatorial candidate Greco Belgica ang libreng lupa para sa mga Pilipino sakaling mailuklok ito sa Senado.
Sa pinakahuling SMNI Exclusives kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy, sinabi ni Belgica, ang pagkakaroon ng patong na patong na tax ang siyang dagdag na nagpapahirap sa mga tao.
Mas mainam aniya, flat tax ang ipairal.
Ani Belgica, ganito ang ginagawa sa mga bansang progresibo gaya ng China, Hong Kong, Russia at mga bansa sa Middle East.
Magtatayo rin aniya ito ng land and water inventory office para imbentaryohin ang lahat na pampublikong lupa sa bansa.
Ito’y para maipamahagi ang lupang wala namang nagmamay-ari sa mga Pilipino.
Maaari din itong gamitin para makumbinsi ang mga rebelde na magbalik-loob lalong-lalo na’t popondohan niya rin ito ng pang-agrikultura.