Libreng serbisyong legal, pinalakas pa ng PAO sa pagkuha ng higit 200 abogado

Libreng serbisyong legal, pinalakas pa ng PAO sa pagkuha ng higit 200 abogado

IBINIDA ni PAO Chief Atty. Persida Acosta ang higit 200 mga abogado na kanilang kinuha para sa pagbibigay ng matapat, mabilis, at serbisyong legal para sa mga Pilipino na humihingi ng hustisya.

Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Atty. Acosta na iba’t ibang mga posisyon ang bakante para sa mga nais pumasok sa PAO.

Dahil dito muli nilang binuksan ang oportunidad para sa mga bagong abogado.

“It’s really fill up the vacancies for those who have transfers as judges and prosecutors and those have resigned. So, kailangan palitan natin ‘yung mga item na nabakante. So nag appoint tayo ng bagong mga lawyer nasa 225 lawyers. Then may mga na-promote from temporary to permanent items. And then may mga staff din tayo na ini-hire and may good news tayo we are waiting for the approval of a total 144 public attorneys for new positions from the DBM, and 6 staff position,” pahayag ni Acosta.

Pagbibigay-diin pa ni Acosta, hindi basta-basta ang pinagdaanan ng mga pumasang abogado dahil masusing kinilatis ang bawat isa upang pasok at handa sa bawat hamon na kanilang kahaharapin bilang abogado ng maralita.

Aniya, mula sa libu-libong aplikante ay nauwi na lang ito sa higit 200 abogado.

“Libu-libong po ang nag-apply and then may mga humahabol pa kasi 8,000 bar passer this year, so itong 225 they were able to comply with our requirements. There is a written exam, oral interrogation exam, may neuro psychiatric exam, at siyempre inaral din yung mga transcript nila. So, kapag maganda yung transcript nila under graduate at tsaka sa college, pati yung bar rating nila ina-assess din. So totality ‘yun makikita ‘yung kanilang qualifications kung they will survive as a public attorney,” ani Acosta.

Isa rin sa kanyang ibinilin sa mga abogado na magkaroon ng takot sa Diyos at maging tapat sa tungkulin bilang isang tagapagtanggol ng mga naapi.

Sa katunayan, ikinagalak nitong ipinaalam na aabot sa P100,000 ang buwanang basic income ng isang public servant sa PAO, iba pa rito ang P10,000 representations at transport allowance.

Nakikita ni Acosta, magiging welcome development ito upang marami pang Pilipino ang mahikayat na pumasok sa pagiging abogado na magbibigaykarangalan at hustisya sa mga mahihirap.

Sinabi pa nito na sa ngayon pumapangatlo ang PAO sa may pinakamalaking pondo na aabot sa P4.7 bilyon na kung saan malaking tulong ito para sa pagbibigaysweldo sa mga abogado na binuhos ang katapatan at dedikasyon sa kanilang trabaho.

Sa gitna nito, sinabi pa ni Acosta na ang Pilipinas ay mayroong magandang justice system na maipagmamalaki kung kaya’t hindi dapat ito ikabahala ng mga maralitang Pilipino dahil kahit saan man ay mayroong public attorney na makakarating at masasandalan.

Mababatid, ngayong Hulyo 5 ang ikalawang araw ng orientation ng mga pumasang abogado ng PAO at bukas naman ng Hulyo 6 ay manunumpa na ang higit 200 abogado na gaganapin sa Bayview Hotel sa Manila.

Samantala, sa pagpasok ng bagong administrasyon inaasahan naman ni Atty. Acosta na mabibigyangpansin ang mga Public Attorney at mapaglalaanan ng sapat na pondo.

Ito ay base na rin sa kanilang karanasan sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagbigay sa kanila ng buong suporta.

 

Follow SMNI News on Twitter