AMINADO si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na isa sa kanilang hamon ngayon ay ang araw–araw na transportasyon ng umuuwing OFWs sa kani-kanilang probinsiya.
Ito’y simula nang ipinatupad ng pamahalaan ang bagong panuntunan sa mga umuuwing overseas Filipinos nitong Pebrero 1.
Simula Pebrero 1 hanggang Pebrero 3, nakapagtala ang ahensya ng higit 10,000 OFWs na inihatid sa kani–kanilang probinsya na may libreng transportasyon.
Inihayag ni OWWA administrator Hans Leo, nitong Pebrero 1 nakapagtala ang ahensya ng pinakamataas na bilang na mga napauwing OFW sa kanilang final destination sa Luzon ,Visayas at Mindanao na umabot ng halos 6,000.
Pebrero 2 ay umabot sa 2,500 at 2,000 naman ang naitala pero aniya sa kabila nito ay maituturing na malaking hamon pa rin na hinarap ito ng OWWA hinggil sa transportasyon .
Gayunpaman para kay Cacdac sa kabila ng mga hamon at sakripisyo mahalaga pa rin sa kanila na magawa nila ang ipinag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alagaan ang kapakanan ng umuuwing OFWs sa bansa.
Aminado din si Cacdac na malaking kabawasan sa bulsa ng national government ang mga gastusin gaya ng hotel accommodation kung saan kina-quarantine ang mga OFW.
Sa ilalim ng IATF Resolution 159 may inilaan na budget ang pamahalaan para sa mga umuuwing OFW na P24-bilyong.
Sa nasabing halaga, P17 bilyon naman ang inilaan para sa mga hotels bilang quarantine facilities ng mga OFW.
Sa ngayon aniya kahit ilan pang mga OFW ang napapauwi nila sa kani-kanilang probinsya araw-araw, nakakayanan pa naman ang pondo na inilaan para sa mga ito .
Ayon din ni Cacdac sa 2022 budget, tumanggap ang OWWA ng P11.4 bilyon maliban pa ito sa IATF Resolution 159 na P24-B.
Samantala epektibo ngayong araw, Pebrero 4, mula sa 3,000 ay itinaas na sa 5,000 bawat araw ang pinapayagan ng Inter Agency Task Force (IATF) na pumasok ang international inbound passenger sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) .
Sinabi ni Atty.Hans Leo Cacdac sa SMNI na sa 5,000 kada araw na limitasyon na dumarating na mga pasahero galing ibang bansa sa NAIA ay tinatayang nasa 3,000 ang mga OFW rito na kailangan nilang tulungan na makauwi sa kanilang final destination araw-araw.