KINUMPIRMA ng Manila International Airport Authority (MIAA) na 36 domestic at 20 international flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang naapektuhan dahil sa nagka-problemang software ng Air Traffic Management Center (ATMC) araw ng Lunes, May0 20, 2024.
Sa inilabas na pahayag ng MIAA, bumalik sa normal ang operasyon sa paliparan 2:00 na ng hapon.
Dahil sa insidente ayon sa MIAA patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga airline operator para ayusin ang sitwasyon ng kanilang mga pasahero at upang sama-samang tugunan ang inaasahang pagsisikip sa predeparture gates at baggage claim areas.
Ang MIAA ay nangangako na patuloy na suportahan ang mga airline operator sa pagpapatupad ng anumang hakbang upang matulungan ang mga apektadong pasahero sa paliparan.
Inatasan ni MIAA General Manager Eric Ines ang lahat ng terminal managers na magbigay ng karagdagang upuan at magpatupad ng contingency measures alinsunod sa Irregular Operations (IROPs) manual kasama ang probisyon ng Malasakit Kits.
Para matugunan ang sitwasyong ito, binuksan ng MIAA ang mga runway ng NAIA sa loob ng 24 oras para sa mga operasyon ng pagbawi ng flight ng airline.
Sa inilabas na pahayag sinabi naman ng Philippine Airlines (PAL) na walo sa kanilang domestic flights sa NAIA ang kinansela kabilang na dito ang biyaheng mula Manila patungong Bacolod, Caticlan, at Davao at vice versa.
Nag-anunsiyo naman ang AirAsia Philippines ng multiple flight delays dahil sa aberya ng ATMC ng CAAP.
Pinapayuhan ang mga pasaherong naapektuhan ng kanilang flights na makipag-ugnayan lamang sa kanilang airlines para sa rebook o rerout o refund ng kanilang ticket.