Lider ng oposisyon, nanawagan ng magkasanib na pagsisiyasat ng U.S. at Korea sa wiretapping

Lider ng oposisyon, nanawagan ng magkasanib na pagsisiyasat ng U.S. at Korea sa wiretapping

MUNGKAHI ng pangunahing lider ng oposisyon ng South Korea na si Lee Jae-Myung na dapat isaalang-alang ng Seoul ang magkasanib na pagpapaimbestiga sa Washington tungkol sa paglabas ng mga nilalaman ng mga dokumento ng US intelligence na pinaniniwalaan ng Seoul na maaaring gawa-gawa lamang.

Ayon kay Lee, chairman ng Democratic Party of Korea, isang diplomatikong kahihiyan  kung hindi nito ipagtatanggol ang soberanya o ang pambansang interes ng Korea, sapagkat, tinangkang pagtakpan ng administrasyong Yoon Suk Yeol ang kumakalat na kontrobersiya tungkol sa pag-leak ng mga dokumento.

Dagdag pa ni Lee, na hindi ito ang tamang oras para ibalewala ang lahat ng nangyayari para lang hindi magalit ang Washington sa South Korea.

Nanawagan naman ngayon ang partido ng oposisyon kay Yoon na ayusin agad ang usapin bago maganap ang kaniyang Summit kasama si US President Joe Biden.

Bago pa man mangyari ang kumakalat na document leakage, ay nakatakda nang magkaroon ng Seoul-Washington Summit kung saan si Yoon ay magsasagawa ng state visit sa US para makipag-usap kay Joe Biden.

Naninindigan ngayon ang Seoul na karamihan umano sa mga nag-leak na classified na dokumento ng US ay binago at walang indikasyon na nagsagawa ang US ng surveillance sa mga pribadong pag-uusap.

Samantala, ang mga dokumento ay nag-leak umano mula sa isang US airman na si Jack Teixeira ng Massachusetts Air National Guard at siya ay naaresto noong Huwebes.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter