Lifeline Rate program para matulungan ang mga mahihirap sa electricity bills, ilulunsad ng Marcos admin

Lifeline Rate program para matulungan ang mga mahihirap sa electricity bills, ilulunsad ng Marcos admin

IPATUTUPAD ng administrasyong Marcos sa susunod na buwan ang Lifeline Rate program.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), layon ng programa na matulungan ang mga kuwalipikadong low-income households sa pagbabayad ng kanilang electricity bills.

Ang Lifeline Rate ay isang subsidized rate na ibinibigay sa mga kuwalipikadong customer ng kuryente na may mababang kita na hindi makabayad ng singil sa kuryente sa buong halaga.

Kabilang sa mga sambahayan na maaaring mag-apply para sa Lifeline Rate program ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), o mga kostumer na itinuturing na nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Isang serbisyo lamang ng Distribution Utility (DU)/Electric Cooperative (EC) bawat kwalipikadong sambahayan ang maaaring bigyan ng lifeline rate.

Kung mayroong higit sa isang benepisyaryo na mag-aplay para sa lifeline rate mula sa parehong sambahayan, gamit ang parehong service account, isang aplikasyon lamang ang pagkakalooban ng lifeline rate at ang natitirang mga aplikasyon ay hindi aaprubahan.

Maaaring mag-aplay ang mga kuwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng pagsusumite sa DU at EC ng kanilang duly accomplished Lifeline Rate Application Form, kanilang pinakahuling singil sa kuryente, at anumang valid na government-issued identification card (ID), na mayroong pirma at address ng customer.

Kung ang kostumer ay nasa estado ng ‘below the poverty threshold’ na itinakda ng PSA, dapat siyang magsumite ng certification mula sa lokal na Social Welfare and Development Office (SWDO), na inisyu sa loob ng huling anim na buwan na nagpapakita na ang kita ng kaniyang pamilya ay mababa sa poverty threshold.

Ang ‘power reduction rate’ ay nag-iiba depende sa umiiral na rates ng mga DU o EC.

Sa Meralco franchise area, ang lifeline end-users na may zero hanggang 20 kilowatt-hours (kWh) ng buwanang pagkonsumo ay bibigyan ng 100-porsiyento na diskuwento sa mga generation charge.

Kabilang dito ang system loss, transmission, at distribution components ng kanilang bill, maliban sa para sa fixed metering charge na PhP5, ibig sabihin more or less PhP20 lang mula sa kanilang electric bills ang babayaran.

Kung hindi sila mag-avail ng Lifeline Rate sa pamamagitan ng Meralco, kakailanganin nilang mag-shell out ng humigit-kumulang PhP250.

Ang paglulunsad ng programa ay inilipat sa Setyembre 2023 upang bigyan ang mga kuwalipikadong customer ng mas maraming oras upang magparehistro.

Batay sa datos na ibinigay ng Energy Regulatory Commission (ERC), hanggang sa katapusan ng Hulyo 2023, mayroon lamang 12,829 na household beneficiaries ng 4Ps, mula sa 4.2 milyong miyembro ng sambahayan, na nag-apply para sa Lifeline Rate program.

Ang validity ng programa ng Lifeline Rate ay batay sa taunang sertipikadong listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps na ibinigay ng DSWD.

Ang isang kuwalipikadong customer ay eligible na makatanggap ng Lifeline Rate kung mananatili siya sa updated na listahan.

Para sa mga hindi benepisyaryo ng 4Ps, ang Lifeline Rate ay magkakaroon ng tatlong taong validity mula sa petsa ng pag-isyu ng sertipikasyon ng lokal na SWDO.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter